Ni: Mary Ann Santiago
Patuloy na inoobserbahan ang isang estudyante na sinaksak ng may-ari ng inihian niyang bahay sa Pasig City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si John Harvey Gascon, 19, ng Jasmin Street, Barangay Rosario, na nagtamo ng saksak sa kaliwang leeg.
Arestado naman at nakatakdang sampahan ng kasong frustrated homicide si Robert Garing, nasa hustong gulang, ng Jasmin St.
Sa ulat ng Pasig City Police na ipinarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, naganap ang pananaksak sa bahay ni Garing, dakong 12:30 ng madaling araw.
Una rito, nakikipag-inuman si Gascon sa kanyang mga kaibigan nang makaramdam ng naiihi at umihi sa tapat ng bahay ni Garing.
Ikinagalit ito ng suspek at binuhusan ng tubig ang biktima hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo at tuluyang sinaksak ni Garing si Gascon.