Ni: Marivic Awitan
Umalis kahapon upang magsagawa ng dalawang linggong pagsasanay at paghahanda para sa kanilang pagsabak sa darating na 29th Southeast Asian Games sa susunod na buwan ang national men’s volleyball team sa Suwon, South Korea.
Pinangungunahan ni team captain Johnvic de Guzman, umalis ang koponan ganap na 2:35 ng hapon patungong Incheon kung saan sila magbubuhat patungo sa Suwon.
Pagdating doon, magkakaroon ang koponan ng ilang mga tune-up games na gaganapin sa kanilang training camp sa Sungkyunkwan University.
“Pagdating namin sa Korea may three days sila na tatlong beses mag-e-ensayo. Then another three days na may twice a day practice for morning and afternoon,” pahayag ni Acaylar. “Kumbaga, Monday, Wednesday, Friday three times of practice sessions. Then Tuesday, Thursday, Saturday, two times.”
Nakatakdang gamitin ng national team ang pasilidad ng SKK University para sa karamihan ng kanilang mga tune-up games at sa kanilang gagawing training habang ang ilang mga practice games ay idaraos naman sa Hwasung volleyball court at Suwon Indoor Gym.
Kabilang sa mga koponang makakatunggali ng Nationals ay ang club team Hwasung City, ang Korean national Under-19 team, Korean Universiade national squad at SKK University squad.
Hangad ni Acaylar na hasain at lalo pang i-develop ang bilis at floor defense ng kanyang team gayundin ang skills ng kanyang mga setters na sina Geuel Asia at Relan Taneo sa tulong ng mga Korean mentors.
“Korea is one of the best teams in Asia. That is why pinili ko talaga ang Korea kaysa Japan sa men’s. I want to develop the team more on service receive and pattern of floor defense, and especially, blocking. “
“Dahil sa lalaki talaga, ang labanan diyan ay blocking,” paliwanag ni Acaylar ang coach ng huling magkamit ng medalya ang national men’s team noong 1991 nang tumapos silang third sa idinaos na Manila Sea Games. “I told my libero and my setter na everytime na bago sila matulog, talagang pahahawakan ko sila sa mga Korean coaches para ma-train sila ng speed ng setting.”
“Kasi ang Korea is good in setting eh. Magaling sila mag-train ng setter, that is why gusto ko makuha ‘yung speed,” dagdag pa ni Acaylar, “Of course, ‘yung mentality ng isang setter, hindi lang siya nagse-set kundi nagse-set siya in which ‘yung blocker mahihila, kaya ayun ‘yung mga plano ko, so far.”
Bukod kina De Guzman, Taneo at Asia ang iba pang mga miyembro ng national team sy sina Bryan Bagunas, reigning Premier Volleyball League MVP Ranran Abdilla, Mark Alfafara, Alden Cabaron, Reyson Fuentes, Bonjomar Castel, Herschel Ramos, Jack Kalingking, Greg Dolor, Peter Quiel at John Eduard Carascal.
Nakatakdang magbalik ng bansa ang koponan sa Agosto 3.