Ni: Vanne Elaine P. Terrazola

Inaresto kahapon ng umaga ang isang 34-anyos na lalaki dahil sa umano’y panghahalay at pambubuntis sa 12-anyos niyang kapitbahay sa Quezon City.

Iniharap sa media si Nicasio Adayo, 34, matapos siyang arestuhin ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)-Station 2 sa Barangay San Antonio, dakong 4:30 ng madaling araw.

Ayon kay QCPD Station 2 chief Igmedio Bernaldez, inireklamo si Adayo ng panghahalay sa 12 taong gulang na babae.

Metro

MRT-3 at LRT-2, may libreng sakay para sa mga solo parent sa Abril 26

Sinabi niya sa Balita na isinailalim sa eksaminasyon ang biktima sa posibilidad na nabuntis ito ng suspek.

Ayon pa kay Bernalez, sinabi ng biktima, nitong Hulyo 20, sa kanyang ina na tinakot siya ni Adayo kapag isinumbong niya ang pang-aabuso.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagsimula ang pang-aabuso ni Adayo sa biktima noong Setyembre ng nakaraang taon, kung kailan nagsimulang magtiwala ang magulang ng biktima at pinayagang manatili ang suspek sa kanilang bahay.

Sinabi rin ni Bernalez na sa gabi nagtatrabaho ang magulang ng biktima, at sinamantala ito ni Adayo.

Inamin ni Adayo, ayon kay Bernalez, ang kasalanan. Idinagdag niya na binibigyan ni Adayo ng P100 cash ang biktima upang hindi magsumbong.

Nakakulong na si Adayo at nahaharap sa kasong panggagahasa.