NI: Mary Ann Santiago
Duguan ang isang estudyante makaraang tamaan ng ligaw na bala nang aksidenteng pumutok ang baril ng isang security guard sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nagpapagaling sa Ospital ng Tondo si Nica Rivera, 16, ng 1474 Bambang Street, sa Tondo habang arestado naman at sasampahan ng kasong Accidental Discharge of Firearm Resulting to Physical Injury si Marjun Adante, 19, ng PP Building, Recto Avenue sa Tondo.
Sa imbestigasyon ni PO2 Genirth Bungay, ng Manila Police District (MPD)-Station 2, naganap ang aksidente sa Brentwood Corporation sa Masangkay St., Tondo, kung saan naka-duty ang suspek, dakong 10:15 ng gabi.
Sa hindi pa batid na dahilan ay aksidenteng pumutok ang baril ng guwardiya, at tinamaan sa kanang hita ang biktima na noong oras na iyon ay naglalakad sa lugar kasama ang kanyang nobyo.
Inaresto naman si Adante at narekober ang magazine ng isang Norinco .9mm na may pitong bala at isang basyo.