Ni: Celo Lagmay
AYAW kong paniwalaan ang matinding pagtuligsa ni General Manager Alexander Balutan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Philippine National Police, na pinamumunuan naman ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, kaugnay ng isyu sa hindi masugpu-sugpong jueteng. Hindi ko inakala na magkakaroon ng gayong mistulang iringan, lalo na kung iisipin na ang dalawang opisyal ay parehong kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Subalit ikinagulat ko ang taginting ng pahayag ni Balutan: “I am disappointed and dismayed by the performance of PNP.” Ang naturang alegasyon ay nakaangkla sa sinasabing hindi pag-aksiyon ng naturang ahensiyang pampulisya laban sa jueteng; ginagamit umano ng mga operators nito ang Small Town Lottery (STL) na nagiging dahilan ng malaking kabawasan sa revenue collection ng gobyerno.
Natatandaan ko na ang PCSO at ang PNP ay lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) noong nakaraang taon na nagtatadhana sa pagsugpo ng pulisya sa talamak na jueteng. Kailangang mapuksa ang naturang illegal gambling upang hindi makasagabal sa implementasyon ng STL sa buong bansa. Ito ay pinagtibay ng batas bilang bahagi ng pagpapataas ng koleksiyon ng PCSO na ilalaan naman sa kawanggawa, lalo na sa maralitang mga pamilya na dinadapuan ng mga karamdaman.
Sa kabila ng gayong makataong adhikain ng PCSO, hindi naman naiwasan ang pag-ugong ng mga pag-aalinlangan at katanungan: Hindi ba ang jueteng ay ginawang legal sa pamamagitan ng STL? Hindi ba ito ay maituturing ding illegal numbers game?
Mabilis naman ang inaasahan kong reaksiyon ng PNP sa pagtuligsa ni Balutan. Sa pamamagitan ni Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng naturang police organization, tahasan niyang inihayag na hindi nila napapabayaan ang anti-illegal gambling operations kasabay ng kanilang maigting na kampanya laban sa ipinagbabawal na droga.
Walang kagatul-gatol na tinukoy ni Carlos na umaabot sa 12,000 ang kanilang inaresto sa mahigit na 5,000 anti-illegal gambling operations sa... loob ng limang buwan o simula nang muling isulong ang naturang kampanya noong Pebrero ng taong ito. Bukod dito, umaabot din sa mahigit limang milyong piso ang nakumpiska sa iba’t ibang police operations sa buong kapuluan.
Sa kabila ng gayong pagsisikap ng PNP, hindi ako makapaniniwala na masusugpo ang jueteng na naging bahagi na ng kultura ng mga Pilipino. Pinatutunayan ng mga obserbasyon na ito ay patagong nakapamamayagpag sa pamamagitan ng pagsangkalan sa STL na tinatangkilik naman ng sambayanan. At hindi maitatanggi na ito ay pinagkakakitaan pa rin ng ilang alagad ng batas na nahirati na sa pagtanggap ng mga payola.
Sa halip na magpatutsadahan, pagtuwangan na lang ng PCSO at ng PNP ang lubos na paglipol ng jueteng at ng iba pang illegal gambling.