Ni: Jun Fabon
Kalaboso ang isang lalaki matapos umanong ipanakot ang dala nitong granada sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Supt. Danilo Mendoza, hepe ng Quezon City Police District-Station 3 Talipapa, ang suspek na si Ace Pascual, project coordinator, ng 339 Gem 5, Barangay Baesa, Quezon City.
Siya ay inaresto sa Gem 5 Subdivision, dakong 9:55 ng gabi.
Inireklamo si Pascual nina Kith, 13, at Rodel, 15.
Napag-alaman na nagpunta ang umano’y lasing na suspek sa lugar ng mga biktima at tinakot gamit ang bitbit na granada.
“Sabay-sabay na tayong mamamatay dito,” sabi umano ni Pascual.
Kapwa kumaripas ang mga biktima at agad humingi ng tulong sa mga pulis at ipinaaresto ang suspek at narekober ang granada.
Nakakulong ngayon ang suspek at nahaharap sa mga kaukulang kaso.