Ni: Jun Fabon

Patung-patong na kaso ang ipinasasampa ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa Sandiganbayan laban sa dating chief prosecutor ni ex-Supreme Court Chief Justice Renato Corona na si dating Iloilo Congressman Neil “Jun Jun” Tupas, Jr. dahil sa umano’y maanomalyang paggamit nito sa sariling Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2008.

Nabatid na nahaharap si Tupas sa dalawang bilang ng graft, at isang bilang ng malversation thru falsification of public documents.

Kapwa akusado ni Tupas sa kaso sina Alan Javellana, Rhodora Mendoza, Romulo Relevo, Ma. Julie Villaralvo-Johnson, pawang mula sa National Agri-Business Corporation (NABCOR); at Marilou Antonio, project coordinator ng Kabuhayan at Kalusugang Alay sa Masa Foundation, Inc. (KKAMFI).

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Batay sa record noong Mayo 15, 2008, hiniling ni Tupas sa Department of Agriculture (DA) ang paglilipat ng P5 milyon sa NABCOR para maipatupad ang kanyang mga proyektong popondohan ng kanyang PDAF, kasabay ng pagrekomenda niya sa KKAMFI bilang project implementor.

Ayon sa imbestigasyon ng Ombudsman, nalaman nitong nagpatupad umano si Tupas ng “ghost projects” dahil sinasabi ng mga alkalde ng mga bayan ng Ajuy, Batad, Estancia, Lemery, San Rafael at Sara na hindi sila nakatanggap ng anumang farm implements.