Ni ALI G. MACABALANG

COTABATO CITY – Nasa 200 barangay sa Central Mindanao, Maguindanao, North Cotabato at Cotabato City ang lubog sa bahay simula pa noong Sabado makaraang umapaw ang naglalakihang ilog sa rehiyon dahil sa madalas na pag-uulan sa nakalipas na mga araw.

Sa Maguindanao pa lang, aabot na sa 44,879 na pamilya sa mahigit 100 barangay malapit sa mga ilog ang binaha sa pag-apaw ng 220,000-ektaryang Liguasan Marsh, ayon sa namumuno sa provincial relief at medical mission na si Lynette Estandarte.

“There could be more affected families since our count was based only on those we have supplied with food, water and other relief provisions. There are barangays that we haven’t served yet,” ani Estandarte, na hepe rin ng provincial budget office ng Maguindanao.

Probinsya

Problema ng pagbaha sa Rizal, dapat pangunahan ng angkan ng Ynares at Duavit —De Guzman

Lubog din sa baha ang maraming barangay sa North Cotabato, ngunit wala pang datos ang disaster risk reduction and management council ng lalawigan.

Wala namang kuryente ang malaking bahagi ng Kidapawan City nitong Martes at Miyerkkules makaraang itumba ng napakalakas na hangin ang mga poste ng kuryente.

Umapaw din nitong Sabado ang Liguasan Delta, na catch basin sa mahigit sampu ilog sa kabundukan ng North, South Cotabato at Bukidnon.

Batay naman sa report ng tanggapan ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu, 18 sa 36 na bayan sa lalawigan ang binaha simula pa nitong weekend. Pinakamatinding naapektuhan ang mga bayan ng Sultan Kudarat at Datu Piang.