July 18, 2026

Home BALITA National

Kahit next in line: VP Sara, 'di gustong agawin posisyon ni PBBM

Kahit next in line: VP Sara, 'di gustong agawin posisyon ni PBBM
Photo courtesy: Keith Bacongco, Mark Balmores (Manila Bulletin)

Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Biyernes, Hunyo 12, na wala raw siyang balak agawin ang posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at iginiit na nanumpa siyang dedepensahan ang Konstitusyon. 

Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag sa Davao City matapos ang aktibidad para sa Araw ng Kalayaan, tinanggihan ni Duterte ang mga panawagan mula sa ilang grupo at mga retiradong opisyal ng militar na pamunuan niya ang isang kilusang kahalintulad ng People Power upang alisin si Marcos sa puwesto.

Binigyang-diin ng Pangalawang Pangulo na anumang pagbabago sa pamumuno ng bansa ay dapat dumaan sa mga proseso na naaayon sa Konstitusyon, at iginiit na bilang Bise Presidente, siya ang itinalagang konstitusyonal na kahalili ng Pangulo.

“Ako, I am the constitutional successor, I am the next in line ayon sa ating Constitution," ani Duterte. "At mayroon akong sinumpaan noong ako ay nag-assume ng office of the Vice President at nakalagay doon that I will preserve and defend the Constitution."

"So, wala sa aking mga kamay ang pagsasagawa ng extra-constitutional means to overthrow the current administration at hindi ko rin gusto 'yon," giit pa niya. 

National

Tinatayang 20,000 pulis, ipakakalat sa SONA ni PBBM!

Itinanggi rin ni Duterte ang mga mungkahi na nais niyang palitan si Marcos bago matapos ang kanyang termino.

“Hindi ko gusto agawin 'yung posisyon ni Bongbong Marcos," aniya. "Gusto ko makita ng taumbayan hanggang sa dulo kung gaano ka walang-hiya si BBM."

Mula noong Abril 2026, lumabas ang mga ulat na may ilang grupo na umano’y binubuo ng mga retiradong opisyal ng militar na nanghihikayat ng suporta para sa aksyong pampulitika laban sa administrasyong Marcos.

Samantala, tuloy pa rin ang pagtakbo ni Duterte bilang pangulo sa 2028.