Ni: Bella Gamotea

Nasa 120 pamilya ang nasunugan sa pagsiklab ng apoy sa Las Piñas at Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat ng Las Piñas City Fire Department, dakong 12:00 ng hatinggabi nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay ni Nelson Mallari sa Barangay Daniel Fajardo sa nasabing lungsod.

Mabilis na kumalat ang apoy, umabot sa ikalimang alarma, sa 29 na bahay na tinutuluyan ng 60 pamilya. Tuluyang naapula ang apoy dakong 2:10 ng madaling araw.

National

First Family nagbakasyon sa Suba Beach, Ilocos Norte sa Huwebes Santo

Makalipas ang 10 minuto, dakong 12:10 ng madaling araw, sumiklab naman ang apoy sa tatlong palapag na paupahan sa Tramo Street, Bgy. 42, Zone 6.

Ayon kay Nenita Liro, caretaker, himbing siya nang magising sa apoy na mabilis na kumalat sa mga katabing kuwarto na nirerentahan ng 40 pamilya.

Nadamay din sa sunog ang isa pang paupahan na pagmamay-ari ni Danilo Sevilla na sa kabutihang palad, ligtas na nakalabas ang umuupang 20 pamilya.

Walang iniulat na nasaktan o namatay sa magkasunod na insidente at patuloy na inaalam ang sanhi, gayundin ang kabuuang halaga ng natupok.