Ni: Mary Ann Santiago
Nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang lalaking itinuturong isa sa mga suspek sa pambobomba sa isang peryahan sa Quiapo, Maynila noong Abril 28, na nagresulta sa pagkakasugat ng 13 katao.
Kinilala ni MPD Director Police Chief Supt. Joel Coronel ang inaresto na si Raymond Mendoza, 21, ng Evangelista Street sa Quiapo.
Si Mendoza ay sinampahan na ng mga kasong Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act at RA 9516 o Illegal Possession of Explosives, makaraang makumpiskahan ng isang caliber .38 revolver at isang fragmentation hand grenade.
Ayon kay Coronel, inaresto si Mendoza ng mga tauhan ng MPD-District Special Operations Unit (DSOU), sa pangunguna ni Police Chief Inspector Jay Dimaandal, sa Carriedo St., kanto ng Sales St., bandang 5:40 ng hapon kamakalawa.