Ni: Orly L. Barcala

Hindi nakilatis ng isang negosyante ang tinanggap niyang kasambahay matapos siya nitong nakawan ng P300,000 halaga ng alahas at cash sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.

Nanlumo si Lani Lota, nasa hustong gulang, ng No. 3076 C. Cuadra Street, Barangay Ugong at inireklamo ang suspek na kinilala lamang na “Gemma,” tubong Norzagaray, Bulacan.

Base sa ulat, nagpatulong si Gemma kay Daisy Reyes, street sweeper, na ipasok siyang kasambahay makaraang magpakilala na kapatid ng suki nito sa itinitindang sampaguita. Inirekomenda ni Reyes si Gemma kay Lota at tinanggap naman ng huli, dakong 8:00 ng umaga.

National

Paglilipat ng sako-sakong NFA rice sa Visayas, ipinag-utos na ng DA

Sinabihan umano ni Lota ang suspek na kinabukasan na mag-umpisa, ngunit nagpumilit ang suspek na sa mismong araw na iyon mag-umpisa.

Iniwan ni Lota ang suspek upang magbantay ng kanyang sari-sari store at makalipas ang ilang minuto ay nilapitan siya ni Gemma at nagpaalam na aalis upang kumuha ng kanyang mga damit.

Pagpasok ni Lota sa kanyang bahay, napansin niyang magulo ang kanyang kuwarto at puwersahang binuksan ang kanyang cabinet.

Agad niyang tiningnan ang lagayan niya ng pera at nadiskubreng nawawala ang kanyang P150,000 cash at mga alahas na nagkakahalaga rin ng P150,000.

Dumiretso si Lota sa Police Community Precinct 8 at ini-report ang nangyari.