Ni: Orly L. Barcala
Habang isinusulat ang balitang ito, kritikal ang isang kasera nang pagbabarilin ng kanyang tenant sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Nasa intensive care unit si Pedro Fugio, 69, ng Damzon Street, Barangay Dampalit ng nasabing lungsod, dahil sa mga tama ng bala ng hindi batid na kalibre ng baril sa katawan.
Tumakas naman ang suspek na si Resty Siatrez, nasa hustong gulang, nangungupahan sa biktima.
Ayon kay SPO1 Alexander Dela Cruz ng Station Investigation Division (SID), nagpunta si Fugio sa barangay hall at inireklamo ang suspek dahil sa umano’y hindi nito pagbabayad ng buwanang renta sa bahay, bandang 3:00 ng hapon.
Nalaman ito ni Siatrez at sinugod si Fugio, bandang 5:00 ng hapon.
Sa kainitan ng pagtatalo, bumunot si Siatrez ng baril at pinaputukan ang biktima.
Kakasuhan ng frustrated murder si Siatrez.