Ni: Bert de Guzman

NAHAHARAP si ex-Pres. Noynoy Aquino (ex-PNoy) sa paglilitis sa Sandiganbayan matapos matagpuan ng Office of the Ombudsman na may “probable cause” para siya ihabla ng usurpation of authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code at paglabag sa Section 3 (a) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices. Lilitisin si ex-PNpoy dahil sa pagkamatay ng mahigit sa 60 tao, kabilang ang 44 SAF commandos, noong Enero 2015 sa Mamasapano, Maguindanao.

Si PNoy ay natagpuang liable o may pananagutan sa pagpapahintulot kay ex-PNP Chief Director General Alan Purisima na suspendido noon dahil sa kasong graft, na gumanap ng “major role” sa Oplan Exodus, isang SAF operation, upang hulihin o mapatay ang Malaysian terrorist na si Zulkifil bin Hir, alyas Marwan, at ang kasamang Filipino bomb maker na si Abdul Basit Usman.

Sinabi ng Ombudsman na ang hepe ay si Conchita Carpio-Morales na pinayagan pa rin ni Aquino na lumahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng Oplan Exodus gayong batid niyang suspendido si Purisima bunsod ng kasong graft kaugnay ng maanomalyang courier service deal sa pagitan ng PNP at ng pribadong kumpanya sa paged-deliver ng mga lisensiya ng baril. Kasama nina ex-PNoy at Purisima na nakahabla si ex-SAF director Getulio Napeñas.

Labis na nagalit ang taumbayan sa pagkamatay ng SAF 44 na parang mga manok na minasaker ng MILF, BIFF at armadong grupo sa Mamasapano, na hindi man lang tinulungan ng militar na malapit lang sa lugar ng trahedya. Nag-ulol na lalo ang galit ng mga Pinoy nang iwasan ni ex-PNoy na salubungin ang mga bangkay ng SAF 44 na dumating sa Villamor Air Base, at sa halip, ang dinaluhan ay ang inagurasyon ng Mitsubishi car plant sa Sta. Rosa, Laguna.

Maliwanag na sinisingil o nakakarma na ang hanggang ngayon ay solterong ex-president bunsod ng mga kapalpakan niya sa hangarin marahil na maisalba ang imahe ng kanyang matalik na kaibigang si Purisima. Siyempre, mapupunta kay Purisima ang kredito kapag nagtagumpay ang pagsalakay sa kuta ni Marwan, nahuli o napatay ang terorista nang walang kagalus-galos ang SAF commandos. Subalit, iba ang nangyari, “napintakasi” o napagtulung-tulungan ang matatapang na SAF operatives ng MILF, BIFF at armadong grupo sa Mamasapano.

Kapag napatunayang nagkasala si PNoy, siya ang magiging ikatlong pangulo ng Pinas na makukulong. Ang dalawang una ay sina exPres. Estrada at ex-Pres. Arroyo. Talaga, pana-panahon (Weder-Weder) ang buhay at kapalaran ng tao.

Makapangyarihan noon si ex-PNoy, ngayon ay baka siya mabilanggo. Ano ang sasabihin ni Kris Aquino sa kinakaharap na kaso ng kanyang Kuya Noynoy at posibleng pagkakabilanggo?

Kahit iniutos na ni President Rodrigo Roa Duterte na ma-reinstate si PNP Supt. Marvin Marcos, na ngayon ay hinirang na bagong hepe ng PNP... Region 12 Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), hindi pa rin daw “off the hook” ang paboritong police superintendent ni Mano Digong. Tuloy ang kasong homicide laban sa kanya at sa 18 iba pang pulis sa pagpatay kay Albuera Mayor Espinosa. Kaya lang, duda ang mga Pinoy kung uusad ang kaso.

Anyway, isusulong ni Sen. Panfilo Lacson ang imbestigasyon tungkol sa reinstatement ni Marcos. Hindi papayag si Sen. Ping, na chairman ng Senate committee na nagrekomendang kasuhan ng murder si Marcos, na basta na lang itong makalaya at makabalik sa puwesto nang walang matibay na dahilan. Siyanga pala, ilan lang ba ang hindi “lapdog senators”?

Tumatahol na si Ping. Sana ay tuluyan na ring tumahol si Sen. Dick Gordon. Ipakita ninyo sa mga Pinoy na hindi kayo mga “tutang senador”!