Ni: Celo Lagmay

BAGAMAT hindi maituturing na orihinal na tagubilin, ang tandisang pagbabawal ni Pangulong Duterte sa paggamit ng sirena o wang-wang ay marapat lamang muling paugungin, lalo na ngayon na naglipana na naman ang mga palalo sa lansangan. Inakala marahil ng mga sugapa sa pagpapaatungal ng mga sirena na ang kanilang pagmamayabang ay malulusutan nila sapagkat ang atensiyon ng administrasyon ay nakatuon sa paglipol ng illegal drugs.

Ang utos ng Pangulo ay nakaukol hindi lamang sa siren violators kundi maging sa mga tiwaling tauhan ng gobyerno, lalo na sa mga tinatanuran ng katakut-takot na bodyguards na malimit mapagkamalang pribadong hukbo o private army.

Natitiyak ko na ang kanyang tagubilin ay nakaangkla sa katotohanan na ang mga lingkod ng bayan ay hindi mga ‘special breed’; sila ay pinasasahod ng gobyerno upang magserbisyo at hindi upang magyabang at magsamantala sa kani-kanilang tanggapan. Bahagi ito ng kanyang plataporma hinggil sa paglikha ng isang malinis na pamahalaan at sa pagpuksa sa mga balakid sa isang marangal na paglilingkod.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May lakas ka dahil kasama mo si Kristo

Ang lubos na pagbabawal sa sirena o wang-wang ay unang ibinunsod ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagsisimula ng kanyang panunungkulan noong 2010. Katunayan, kung hindi ako nagkakamali, naging bahagi ito ng kanyang State of the Nation Address (SONA). ‘Tila ito ang pinakatampok na eksena ng kanyang talumpati na sinalubong ng hindi magkamayaw na palakpakan ng mga dumalo sa naturang okasyon.

Pati ang katulad kong sumubaybay sa nasabing SONA sa radyo at telebisyon ay nagdiwang sapagkat iyon ang tumapos sa pagyayabang ng mga motorista na naghahari-harian sa mga lansangan; higit pa silang mga palalo kaysa sa mga opisyal ng pamahalaan... na talagang may mga karapatang gumamit ng sirena, tulad ng itinatadhana ng Konstitusyon.

Maaaring makasarili ang aking pananaw sa tandisang pagbabawal nina Duterte at Aquino sa paggamit ng sirena; sa pagpapawang-wang na laging kinasusuklaman at halos isumpa ng mga mamamayan. Ang gayong utos ay itinuturing kong isang matalinhagang panukala na naglalayong pairalin ang tunay na diwa ng pagpapakumbaba, paggalang sa karapatan ng isa’t isa, at pagtalima sa kautusan at regulasyon na umiiral sa ating mga komunidad. Sa kabuuan, mga utos iyon upang matiyak na tayo ay tunay na pinakikilos ng mga batas at hindi ng sinuman.

Hindi lamang ngayon dapat ipatupad ang nabanggit na mga utos kundi sa lahat ng susunod na administrasyon.