Nina ELLALYN DE VERA-RUIZ at GENALYN D. KABILING

Matapos bumaba ang kanyang performance at trust ratings sa first quarter ng 2017, bumawi si Pangulong Rodrigo Duterte sa 82 porsiyento at 81 posiyento, ayon sa pagkakasunod, sa second quarter survey ng Pulse Asia na inilabas kahapon.

Gamit ang face-to-face interview sa 1,200 respondent, lumutang sa nationwide survey mula Hunyo 24 hanggang 29 na

aprubado ng 82% ng mga Pilipino ang trabaho ng Pangulo sa nakalipas na tatlong buwan. Tanging 5% ang nagpahayag ng disapproval, habang 13% ang hindi makapagpasya kung approve o disapprove sila sa kanyang performance.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Samantala, 81% ang nagpahayag ng trust o tiwala sa Pangulo, 14% ang undecided, at 5% ang hindi gaanong nagtitiwala sa kanya.

Mas mataaas ang huling approval at trust ratings ng Pangulo kaysa 78% at 76%, ayon sa pagkakasunod, na nakuha sa survey noong Marso 2017.

Sa panahong isinagawa ang survey, ilan sa mahahalagang isyu na tinutukan ng mga Pilipino ang krisis sa Marawi; patuloy na bakbakan ng mga puwersa ng gobyerno at ng Maute terrorist na ikinamatay ng marami; desisyon ni Pangulong Duterte na magdeklara ng martial law sa buong Mindanao dahil sa pag-aatake sa Marawi; at ang pagpapababa ng kasong inihain laban sa mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group sa Region 8, na pinamumunuan ni Chief Supt. Marvin Marcos, mula sa murder sa homicide, kaugnay sa pagkamatay ni Albuera Mayor Rolando Espinosa.

Sinabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella na patuloy na pinagkakatiwalaan ng publiko ang Pangulo sa kabila ng mga kontrobersiyal na komento nito sa rape dahil naiintindihan siya ng mga tao.

“It’s pleasant news,” sabi ni Abella sa Palasyo kahapon, matapos lumabas sa survey na nakuha ng Pangulo ang pinakamataas na approval rating.

“How come there’s such a high approval rating? Simply because of that. That he gets them and they get him,” aniya.

“There are those, of course, who tend to zero in on certain details, but as far as the public is concerned and they are the ones who really need -- who really approve of him -- they find the President as somebody who understands them, who has their common interest -- the common good at heart,” sabi pa ni Abella.

Sa parehong survey, bumuti rin ang approval at trust rating nina Vice President Leni Robredo, Senate President Aquilino Pimentel III, Speaker Pantaleon Alvarez, at Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.