Ni: Clemen Bautista

IKA-16 ngayon ng Hulyo. Para sa iba nating kababayan, maaaring ito ay isang pangkaraniwang araw. Ngunit sa liturgical calendar ng Simbahan, mahalaga ang araw na ito sapagkat ipinagdiriwang ang kapistahan ng Our Lady of Mount Carmel o Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo. Ang pagdiriwang ay pangungunahan ng Kongregasyon o Orden ng mga madre at ng mga paring Carmelite. Ang pambansang dambana ng Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo ay nasa Broadway Avenue, New Manila, Quezon City. Ang isa pa ay nasa Minor Basilica ng San Sebastian sa Maynila. Doon nakadambana ang orihinal na imahen ng Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo na ang namamahala ay ang kongregasyon ng mga paring Agustinian at Recoletos.

Tampok na bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ang pagdaraos ng misa sa National Shrine sa Broadway Avenue, Quezon City at Minor Basilica ng San Sebastian.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Ang CARMEL ay salitang Hebreo na ang kahulugan ay hardin o halamanan at Mount Carmel ang itinawag sa Hilagang bahagi ng Palestina na nasa baybayin ng Mediterranean Sea. Sa banal na bundok na iyon nanirahan si Propeta Elias noong 900 taon bago dumating si Kristo. Ang unang simbahan ng Mount Carmel ay itinayo noong 83 A. D. na inialay sa karangalan ng Imakuladang Ina ng Diyos. Ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo ay kilala dahil sa brown scapular o kalmen na pinaniniwalaang simbolo ng natatanging proteksiyon at ng paniwalang ang matapat na nagsusuot ng kalmen ay magkakaroon ng masayang kamatayan.

Ang paniniwala ay batay sa pahayag ni Saint Simon Stock, ang pinuno ng Carmelite Brothers sa England, nang magpakita sa kanya ang Mahal na Birhen noong ika-16 ng Hulyo, 1251 na nagkaloob sa kanya ng kalmen. Lumaganp ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo noong 1726 sa utos ni Pope Benedict Xlll.

Bukod sa pangako sa kalmen, ang isa pang biyaya ay tinawag na Sabbatine Privelege. Sinasabing ipinahayag ito ng Mahal na Birhen nang magpakita kay Pope John XXll. Ipinahayag ang prebilehiyong ito sa isang “Sabbatine Papal Bull” noong Marso, 1322. Nagsimula ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Bundok Carmelo nang dumating sa Pilipinas ang mga paring Agustino-Recoletos noong 1617 na simula ng kanilang evangelization sa ating Bayang Magiliw. Ang unang imahen ng Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo ay idinambana sa simbahan ng San Sebastian.

Dumating naman sa Pilipinas ang mga Pranses na madreng Carmelite, mula sa Indochina, noong 1923. Nagtayo sila ng monasteryo sa Jaro, Iloilo. Matapos naman ang World War II, noong 1947, dumating mula sa America ang grupo ng mga paring Carmelite, sa pangunguna ni Bishop Patrick Shanley, isang American Army Chaplain. At makalipas ang limang taon, ang mga paring Carmelite na mula sa Ireland ay nagtungo sa Jaro, Iloilo. Noong 1954, inilagay ng mga paring Carmelite ang panulukang-bato ng simbahan ng Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo sa Broadway Avenue, New Manila, Quezon City.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang mga madreng Carmelite ang naging prayer warrior ni dating Pangulong Cory Aquino.

Matatandaan na habang nasa kainitan ang EDSA Revolution noong 1986, si dating Pangulong Cory ay nagtago sa kumbento ng mga madreng Carmelite sa Cebu.

Ang special devotion sa Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo at ang pagsusuot ng brown scapular ay nagpapaalala na tayo ay kanyang mga anak at papatnubayan patungo kay Jesus na kanyang Anak at ating Panginoon. Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo, ipanalangin mo po kami.