Ni: Jel Santos
Isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, na pangunahing suspek sa kasong pagpatay, ang pinagbabaril ng dalawang hindi pa nakikilalang armado sa Malabon City nitong Biyernes.
Kinilala ni Senior Supt. John Chua, hepe ng Malabon Police, ang biktima na si Jerome Ponce, 23, ng Barangay Catmon, Malabon.
Si Ponce, ayon sa mga ulat, ay inatake ng dalawang armadong lalaki sa kahabaan ng Governor Pascual Street sa Bgy. Catmon, Malabon, bandang 2:00 ng hapon.
Base sa imbestigasyon, unang binaril ng mga armado ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan. At nang bumulagta, binaril naman ito sa ulo.
Sinabi ng mga saksi, pawang hindi pinangalanan, naglakad lamang ang mga suspek habang tumatakas na tila walang nangyari.
Nakuha sa pinangyarihan ang 11 basyo ng caliber .45 pistol.
Ayon sa mga opisyal ng Bgy. Catmon, si Ponce ang pangunahing suspek sa kasong pagpatay sa kanilang village. Kabilang din si Ponce sa drugs watch list, anila.