Ni: Betheena Kae Unite
Itatalaga ang 6,000 pulis upang bantayan ang Batasang Pambansa Complex sa Quezon City para sa pangalawang State of Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa Lunes, Hulyo 24, pahayag ng hepe ng pulisya ng siyudad.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar, ang deployment ay manggagaling sa iba’t ibang distrito ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ni Eleazar na ang deployment ay “adequate to secure the venue” at inaasahan nila ang aabot sa 15,000 raliyistang magmamartsa hanggang sa south gate ng Batasan.
Ang kabuuang bilang ng deployment, gayunpaman, ay mas mababa kaysa 8,000 noong nakaraang taon, ayon kay Eleazar.
Inihayag ni Eleazar na may sinusubaybayan silang posibleng mga banta pero wala pang validated na impormasyon.
Idinagdag din ng QCPD chief na ipagbabawal ang pagparada ng sasakyan sa IBP Road upang mabigyan ng sapat na espasyo ang mga magpoprotesta. Ang mga sasakyan ay pahihintulutan lamang hanggang sa Commonwealth Avenue.
Dahil walang isasarang kalsada, ang IBP Road at ang Commonwealth Avenue ay hahatiin para sa mga raliyista at mga motorista upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko, sabi pa niya.