NI: Ni MARY ANN SANTIAGO

Dahil sa konsensiya, kusang sumuko sa awtoridad ang isang ginang na umaming pumatay ng kinakasama sa Pasig City, iniulat kahapon.

Ayon kay Police Senior Insp. Robert Garcia, hepe ng Pasig City Police Criminal Investigation Unit, ipinakulong ni Margarette Mebalo, 38, ang kanyang sarili dahil sa pagpatay kay Michael Apolinario, 27.

Sinabi ni Mebalo na nagtalo sila ng mister habang nag-iinuman sa kanilang bahay sa No. 32 Jacinta Street, Barangay Caniogan, dakong 9:00 ng gabi noong Martes.

Pagbebenta ng ₱20/kilo ng bigas para sa mga senior, PWD, solo parents, sisimulan sa Mayo 2

Inawat naman umano sila ng kanyang ama na kalaunan ay umalis at umuwi at nagpatuloy ang pag-aaway nilang mag-asawa na nauwi pambubugbog ng biktima.

Hindi na umano nakatiis si Mebalo at dinampot ang bintilador at inihampas kay Apolinario. Sa sobrang galit, kinuha rin umano ni Mebalo ang kurdon ng bintilador at ipinulupot sa leeg ng biktima.

“Sinusuntok niya ako nang sinusuntok,” kuwento ni Mebalo.

“’Di ko na na-control, nakita ko ‘yung electric fan, binato ko sa kanya, tapos nahawakan ko po ‘yung cord, naikot ko po sa leeg niya.”

Inakala umano ng suspek na natutulog lamang ang biktima, na madalas umano nitong gawin tuwing matatapos silang mag-away, ngunit nang mapansing hindi na humihinga ang kinakasama ay isinugod niya ito sa ospital ngunit huli na ang lahat.

Dahil sa takot, nagtago si Mebalo, ngunit nagdesisyong sumuko dahil sa konsensiya.