Nina fRANCIS T. WAKEFIELD at GENALYN D. KABILING

Binigyang-diin kahapon ng tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na hindi pa lusot sa asunto si Supt. Marvin Marcos at ang 18 iba pang pulis na nasuspinde makaraang kasuhan sa pagpatay kay dating Albuera, Leyte, Mayor Roland Espinosa noong Nobyembre 5, 2016.

Sa press briefing sa Camp Crame, Quezon City, nilinaw ni Chief Supt. Dionardo Carlos na sa kabilang ng pagbabalik kay Espinosa at sa mga tauhan nito sa “duty status”, nananatili naman ang kriminal na aspeto ng kaso.

Paglilinaw ni Carlos, tanging sa administratibong aspeto ng kaso nakalusot ang grupo ni Marcos.

National

Chinese na ayaw sumuko, binaril sarili, patay

“Klaruhin natin, kasi akala nila doon nagtatapos. Patuloy ho ‘yung kaso na kriminal. Haharap pa rin ho sila sa kasong homicide kay Mayor Espinosa at Raul Yap,” sabi ni Carlos.

“Well, I will use the term they were reverted to duty status,” dagdag pa niya.

Paliwanag ni Carlos, nang maibaba sa homicide ang kasong murder ng grupo ni Marcos ay pinayagan ang mga itong magpiyansa at binawi ang kanilang leave of absence.

“So, we can clarify how things happened. When Marcos et al, 19 of them, were charged with the crime of murder and warrants of arrest were issued, the officers were detained automatically. Their statuses are now on leave of absence,” ani Carlos. “So, when the case was downgraded to homicide and allowed them the right to post bail the leave of absence status of these PNP personnel were lifted. Thus with the lifting of the LOA they were placed on duty status.”

OIC LANG SI MARCOS

Aniya, simula nang bawiin ang leave ng mga pulis ay ibinalik na sa kani-kanilang unit ang 18 pulis, habang ibinalik naman si Marcos sa unit nito sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

“And the CIDG, seeing him in full duty status, reassigned him to CIDG Region 12. So, that’s what happened,” sabi pa ni Carlos, nilinaw na officer-in-charge lamang si Marcos at hindi permanente.

Si Marcos ang hepe ng CIDG-Region 8 nang pagbabarilin si Espinosa at kapwa bilanggong si Yap sa selda ng Leyte Provincial Jail extension jail sa Baybay City, Leyte.

Kinasuhan din sa krimen sina Supt. Santi Noel Matira, Chief Insp. Leo Laraga, Senior Insps. Eric Constantino, Deogracias Diaz III, at Fritz Blanco; SPO4s Melvin Cayobit at Juanito Duarte; SPO2 Alphinor Serrano, Jr.; SPO1 Benjamin Dacallos; PO3s Norman Abellanosa at Johnny Ibañez; PO2 Neil Patric Centino; at PO1s Lloyd Ortigueza, Bhernard Orpilla, Kristal Gisma, Jerlan Cabiyaan, at Divine Grace Songalia.

MAKIKIPAGTULUNGAN

Kaugnay nito, handa naman ang Malacañang na makipagtulungan sa plano ng Senado na imbestigahan ang pagbabalik sa puwesto sa grupo ni Marcos.

“The government through the PNP will cooperate with any investigation. We have always participated in any hearings and we will continue to abide by that,” sabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.

Matatandaang mariing binatikos ng ilang senador ang pagpapabalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa “duty status” sa 19 na pulis, dahil isinusulong umano nito ang kawalang pananagutan ng mga nagkakasalang pulis.

Sinabi na ni Senator Panfilo Lacson na mag-iimbestiga sa insidente ang Senate committee on public order and dangerous drugs.