Nina REY G. PANALIGAN at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Hiniling kahapon sa Supreme Court (SC) na resolbahin kaagad ang dalawang petisyon na humihiling sa Congress na magsagawa ng joint session at aksiyunan ang pagdeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law at 60 araw na suspensiyon ng privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao sa ilalim ng Proclamation No. 216 na inilabas noong Mayo 23.

Ito ang grupo ni dating senador Rene Saguisag na naghain ng urgent manifestation sa SC sa pamamagitan ni dating solicitor general Florin Hilbay.

Ang isa pang petisyon ay inihain ng grupo ni dating senador Wigberto Tanada. Ang dalawang petisyon ay pinagsama ng SC.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

Pinangalanang respondents sa dalawang petisyon sina Senate President Aquilino Pimentel III at House Speaker Pantaleon Alvarez na kinatawan Solicitor General Jose Calida.

Nakasaad sa manifestation na dapat maglabas ang SC ng desisyon sa petisyon para linawin ang mga trabaho ng Kongreso batay sa nakasad sa Section 18, Article VII ng Constitution, na nagsasabing maaaring magdeklara ang Pangulo ng martial law at suspendihin ang habeas corpus “in cases of invasion, rebellion or when public safety requires it.”

Noong Hulyo 4, idineklara ng SC na konstitusyunal ang Proclamation No. 216 kaugnay sa martial law sa Mindanao.

Noong Mayo 31, ipinasa ng House of Representatives ang House Resolution No. 1050 habang pinagtibay ng Senado ang Senate Resolution No. 388 na kapwa sinusuportahan ang Proclamation No. 216, at hindi na nagsagawa ng joint session.

Ngunit ayon sa grupo nina Saguisag at Tanada ang nasabing aksiyon ng Kongreso ay “ineffectual in relation to the Congress’ obligation to jointly convene and vote consistent with its obligation under Article VII Section 18 of the Constitution.”

Iginiit nila na habang maaaring magdesisyon ang SC pagkatapos pumaso ang 60-day sa Hulyo 22, “the best time to decide is now because if the President decide to extend the proclamation and decides to declare martial law anew, then it becomes more problematic for the Supreme Court because they will decide on a live case.”

Samantala, maaaring matanggap na ni Pangulong Duterte ang advance copy ng rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapalawig o pag-alis ng martial law bago mag-Lunes.

Sinabi ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na kahit patuloy pa ang assessment ng ground commanders, maaaring makatanggap na ang Pangulo ng advance copy ng rekomendasyon.