Ni: Ric Valmonte

ITINANGGI ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakialam siya sa imbestigasyon ng Department of Justice (DoJ) sa kaso laban kay dating Criminal Investigation and Detection Group Chief Supt. Marvin Marcos ng Eastern Visayas at sa 18 pulis.

Una na silang kinasuhan ng DoJ ng double murder sa umano’y pagpatay kina Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. at Raul Yap sa loob ng Baybay, Leyte sub-provincial jail na pinagpiitan sa kanila. Subalit nang mag-imbestigang muli ang DoJ, ibinaba nito ang kaso sa double homicide, kaya nakapagpiyansa ang mga pulis.

“Narito si Secretary Aguirre,“ wika ng Pangulo sa pagpunta niya sa anibersaryo ng Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Aguinaldo, “sinabi niya sa akin na ‘Brod, murder ito.’ Sinabi ko sa kanya na ituloy mo, wala akong pakialam. Basta gawin mo ang trabaho mo.” Ngunit, inamin ng Pangulo na sinabihan niya ang kanyang Gabinete na hindi niya hahayaan na makulong ang militar, pulis o taong gobyerno nang dahil ginawa nito ang kanilang tungkulin at sinunod ang kanyang utos. Kahit ba hindi siya diretsahang nakialam sa imbestigasyon o hinayaan na lang niya si Sec. Aguirre na gampanan ang kanyang tungkulin, magagawa ba nitong salungatin ang kanyang instruksiyon sa kanyang Gabinete na isa si Aguirre sa mga miyembro?

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May lakas ka dahil kasama mo si Kristo

Bukod sa ibinaba sa homicide ang kaso, ibinalik din sila sa serbisyo sa utos ni Pangulong Digong. Ayon kay PNP Chief Ronald dela Rosa, sa pagsunod niya sa utos ng Pangulo, nararapat lang na ibalik sa serbisyo si Supt. Marcos at 18 pulis dahil sumusuweldo lang sila nang walang ginagawa.

Sinabi pa ng Pangulo na nakahanda siyang i-pardon si Marcos kung sakaling ito ay hatulan ng korte na guilty. Ibang klaseng hustisya ito. Paano pang gaganahan ang korteng lilitis kay Marcos kung hindi pa nagsisimula ang pagdinig, eh alam na ang kahihinatnan ng anumang hatol? Mabuti pang iabsuwelto na ito kaysa mapahiya lang. Kabaligtaran naman ang hustisyang iginagawad ng Pangulo sa mga taong gumagamit o sangkot sa ilegal na droga. Hindi pa man sila nililitis ay pinairal na sa kanila ang parusang kamatayan.

Pero, may ipinaalam ang Pangulo, sinadya man ito o hindi, sa mamamayan sa kanyang tinuran na hindi niya hahayaan na makulong ang sinumang militar, pulis o taong gobyerno na ginawa lang ang tungkulin. Ayaw niyang makulong si Macos kahit na lumabas na ito ang pasimuno sa pagpatay kina Espinosa at Yap. Sa report na nilagdaan ng lahat ng mga Senador na kasapi ng Committee on Public Order and Illegal Drugs at Committee on Human Rights, napatunayan sa kanilang imbestigasyon na planado ang pagpaslang ng mga pulis sa mga biktima. Utos ba ito ng Pangulo na sinunod lamang ni Marcos kaya ayaw niya itong makulong?