Ni: Bella Gamotea

Sabay-sabay inaresto ng mga tauhan ng Pasay City Police ang 10 katao, kabilang ang tinaguriang No. 1 most wanted person, makaraang makumpiskahan ng mga baril, bala, umano’y shabu at drug paraphernalia sa isang bahay sa lungsod, kahapon ng umaga.

Iniharap sa media ni Pasay City Police Chief Sr. Supt. Dionisio Bartolome ang mga naaresto na sina Noe Cemetara y Abcede, sinasabing Top 1 most wanted person dahil sa kasong murder; Aldrin Esguerra y Cemetara; Marvin Pabicon y Latorre; Joemar Samonte y Cemetara; Teresita Bautista y Anonuevo; Richie Pasibugan y Trinidad; Romila Tolentino y Dumlao; Maricris Samonte y Cemetara; John Michael Cruz y Collins; at Margarito Bambay Cinco na pawang nasa hustong gulang.

Sa ulat na ipinarating kay Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., sinalakay ng mga tauhan ng Intelligence Unit ang bahay sa No. 2464 Manda Compound, M. Dela Cruz Street, Barangay 130, bandang 7:30 ng umaga.

Eleksyon

Bong Go, nanguna sa senatorial survey ng SWS

Ginalugad ng awtoridad ang buong bahay at inaresto sina Aldrin at Noe at ang walong iba pa.

Kabilang sa mga narekober ang isang caliber .45 pistol, isang caliber .38 revolver, isang caliber .45 magazine, pitong bala ng caliber .45, anim na bala ng caliber .38, dalawang pakete ng hinihinalang shabu, dalawang improvised glass water pipe, dalawang lighter, isang hindi gamit na plastic sachet at isang asul na coin purse.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas ang mga suspek at sasampahan ng kaukulang kaso sa Pasay Prosecutor’s Office.