Ni MARY ANN SANTIAGO
Kahit hindi sinasadya, pinagsasaksak pa rin ang isang binatilyo ng lalaking nai-sprayan niya ng kemikal sa mata sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.
Isinugod at ginagamot ngayon sa ospital si Alvin Ruiz, 21, ng 2412 Felix Huertas Street, sa Sta. Cruz, makaraang saksakin sa kanang balikat at sa likod ni alyas Lito Cadag.t
Sa ulat mula sa tanggapan ni Manila Police District (MPD)-Station 3 commander Police Supt. Arnold Thomas Ibay, naganap ang pananaksak sa New Antipolo Street, 12:40 ng madaling araw.
Ayon kay PO1 Paul Dick Valencia, may hawak ng kaso, bago ang insidente ay nakapulot ang biktima ng isang canister na inakala nitong pabango.
Ini-spray umano ng biktima sa kanyang katawan ang naturang kemikal upang alamin kung mabango ito, ngunit aksidente niyang nai-sprayan sa mata ang biktima na nakaupo sa kanyang likuran.
Dahil nasaktan, nagalit ang suspek at sinaksak ang biktima.
Mabilis namang tumakas ang suspek.