NI: Aris Ilagan
MUNICH, Germany – Tuloy ang pagmomotorsiklo ng aming grupo sa Germany, Italy, Austria, at Switzerland.
Maya’t maya ang pagbabago ng temperatura at lagay ng panahon. Kapag nasa siyudad ng Munich, nasa 14 degrees ang temperatura. At kapag napadpad kami sa matataas na bahagi ng bundok ng Alps, nasa 3 degrees.
Hindi kami magkaugaga kung ano ang isusuot upang labanan ang lamig. Sa tuktok ng Passo di Stelvio sa Switzerland, halos kapantay namin ang mga gilid ng bundok na may patsa-patsa ng niyebe.
Ngunit kapag tumingin ka sa kalangitan, halos maabot mo na ang araw.
At dahil ngayon ay panahon ng tag-init sa bahaging ito ng Europe, mistulang mga ipis na naglalabasan ang mga motorcycle rider.
Sa ilang bahagi ng Europe, anim na buwan lamang nakapagmomotorsiklo ang mga turista at ang mga residente. Sa mga nalalabing buwan ng taon, winter season ang umiiral at delikadong magmotorsiklo.
Sa pagpunta namin sa apat na European country, natiyempuhan namin ang kainitan ng pagmomotorsiklo.
Halos lahat ng kalsada ay may bumibiyaheng nakamotorsiklo. Ang gagara ng mga modelo at ang kikisig ng mga European na nakasakay, kumpleto sa safety riding gear at may nakatali pang mga travel bag sa kanilang sasakyan.
Karamihan sa aming nakita ay mga big bike at iilan lamang ang mga scooter.
Wala kaming nasilayan na underbone motorcycle.
Sa aming pag-iikot, may napansin akong mga billboard sa mga pangunahing lansangan.
Ito ay nagtataglay ng larawan ng isang rider na nakasuot ng helmet at may buhat-buhat na sanggol.
Nang tanungin ko ang aming mga German tour guide, sinabi nila na pinalalakas ngayon ng mga European country ang motorcycle riding safety sa rehiyon.
Anila, tumataas na rin ang bilang ng road accident na kinasasangkutan ng mga rider.
Bagamat batid natin na mataas ang antas ng disiplina ng mga European sa pagmamaneho, sinabi ng mga German tour guide na... hindi pa rin maiwasan ang sakuna lalo na sa hanay ng mga nakamotorsiklo.
Tulad sa Pilipinas, dumarami na rin ang mga pasaway na rider sa Europe.
Residente man o turista mula sa ibang bansa, mayroon ding mga rider na hindi sumusunod sa batas-trapiko.
Ito ngayon ang puntirya ng mga lokal na pamahalaan sa lugar.
Malakas ngayon ang moto tourism sa Europe. Kung ikaw ay may sapat na datung, madaling umarkila ng mga motorsiklo sa halangang 150 dolyares kada araw.
Subalit ingat lang, amigo. Hinay-hinay sa pagmomotorsiklo!