NI: Vanne Elaine P. Terrazola

Dinakma ang isang dayuhan na naiulat na nakuhanan ng pekeng Euro bills sa Quezon City kamakailan.

Sinabi kahapon ng Quezon City Police District (QCPD) na inaresto nila si Kelvin Godson, 23, matapos nitong tangkaing magpapalit ng mga pekeng Euro sa isang money changer sa Cubao noong Lunes.

Ayon sa awtoridad, nagpunta si Gordon, isang African-Canadian na nakatira sa Johannesburg, Africa, sa isang money changer na pag-aari ni Leticia Creado sa panulukan ng General Roxas Ave at ng EDSA at pinapalitan ang kanyang €100 sa Philippine money, bandang 2:00 ng hapon.

Internasyonal

Pope Francis, simpleng libing lang ang gusto — Vatican

Sinuri ni Creado ang dalawang €50 bill na ibinigay ng suspek at nadiskubre itong peke, dahilan upang tumawag siya sa Cubao Police Station.

Mabilis na rumesponde ang awtoridad at inaresto si Godson na, nang kapkapan, ay nakuhanan ng €3,050, na binubuo ng €100 at €50 bills na pawang pinaniniwalaang peke.

Sinabi ng awtoridad na ang mga kinumpiskang pera ay itu-turn-over sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa beripikasyon at eksaminasyon.

Samantala, si Godson ay nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o ang Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and other Instrument of Credits.

Kasalukuyan siyang nakakulong sa QCPD headquarters sa Camp Karingal.