NI: Marivic Awitan

NAKATAKDANG magtuos ang isa sa mga palaging contender na alaska at ang NLEX sa tampok na laro ng pambungad na double header sa pagbubukas ng 2017 PBA Governors Cup sa darating na Hulyo 19.

Matapos mabigong pumasok sa playoffs ng nakaraang Commissioners Cup, parehas naghahangad ang Aces at ang Road Warriors na makabawi ngayong season ending conference.

Pangungunahan ng import na si Aaron Fuller, nagpalakas ng kanilang roster ang Road Warriors sa pamamagitan ng ilang mga trades na nabigyan ng pagkakataong makapag-jell sa team dahil na rin sa maaga nilang pagbabakasyon noong nakaraang second conference.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Magtutuos ang Aces at ang Road Warriors sa huling laro ganap na 7:00 ng gabi matapos ang unang salpukan sa pagitan ng Kia Picanto, ang dating Mahindra at ng Phoenix Petroleum ganap na 4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nakatakdang iparada ng Alaska ang balik import na si LaDontae Henton, isang masipag na kaliweteng reinforcement na inaasahan ni coach Alex Compton na sasagip sa Aces upang makapagtala ng disenteng pagtatapos ngayong season.