Hindi nagdalawang-isip ang isang ina na ipadampot sa mga pulis ang sariling anak na nagtangkang pasabugin ang kanilang bahay, at pinagbantaan pa siyang gigilitan, sa Las Piñas City, nitong Lunes ng gabi.
Nakakulong ngayon sa himpilan ng Las Piñas City Police si Stanley Lisondra, 32, ng Barangay CAA, matapos na ipaaresto ng mismong ina niya na si Rosana Lisondra.
Sa reklamo ng ginang sa pulisya, nilagyan umano ni Stanley ng tatlong paputok na 5-star ang kalan nila sa bahay, na mariin nilang pinagtalunan.
Bago ito, isinumbong ng ginang sa kanyang mister ang pag-aamok ni Stanley nang minsang umuwi itong lasing, na labis na ikinagalit ng anak at humantong sa umano’y pagbabantang siya ay gigilitan at pasasabugin ang bahay.
Bago pa magsalang ng paputok sa kalan ay nagpaputok na ng 5-star si Stanley sa labas ng kanilang bahay, na isang paglabag sa ordinansa ng siyudad, at nagdulot ng matinding takot kay Rosana at sa kanilang mga kapitbahay.
Lalo pang natakot ang ginang nang madiskubreng pinatungan ng suspek ng tatlong paputok ang kanilang kalan, at sa pangambang tototohanin ang banta sa pagpapasabog sa bahay ay nagpasya si Rosana na ipaaresto ang sariling anak.
Sa pulisya, todo-tanggi si Stanley sa mga paratang bagamat inamin niyang gumagamit siya ng ilegal na droga.
Bukod rito, tatlong beses nang nakulong ang suspek sa pagkakasangkot sa away-kabataan sa kanilang lugar.