Ni: Orly L. Barcala
Dahil sa labis na depresyon sa kahirapang makahanap ng trabaho, nalagay sa peligro ang buhay ng isang lalaki matapos siyang mang-agaw ng kutsilyo para itarak sa sariling dibdib, Lunes ng gabi, sa Navotas City.
Ligtas na sa tiyak na kamatayan at nagpapagaling na lang sa ospital ang 43-anyos na lalaki, may asawa, ng Barangay Tumana, makaraang magtamo ng malalim na saksak sa kanang dibdib.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Alexander Dela Cruz, ng Station Investigation Division (SID) ng Navotas City Police, bandang 6:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa panulukan ng C-4 Road at Dagat-Dagatan sa Bgy. Longos, Malabon City.
Ayon sa report, abala sa pagtitinda ng street food ang vendor na si Felimon Medelo nang lumapit sa kanya ang biktima, na mistulang wala sa sarili.
Sinabi ni Medelo na inagaw ng lalaki ang hawak niyang kitchen knife at itinarak sa sariling dibdib.
Tiyempo namang nagpapatrulya sa lugar ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-8 at kaagad na naisakay sa mobile patrol ang lalaki at dinala sa ospital.