Ni: JINKY TABOR
ISANG linggo matapos ipagdiwang ang Abaca Festival, matagumpay namang inilunsad ng Bagamanoc sa norte ng Catanduanes ang CockRock Festival, ang pormal na pagbubukas ng nasabing bayan sa larangan ng turismo. Ayon sa tourism advocate na si Ajah Aguilar, sumali na ang Bagamanoc sa listahan ng “Must See When in Catanduanes”.
Ang dalawang araw na paglulunsad sa CockRock Festival ay dinayo ng maraming mga manlalaro ng skimboard, skating at mountaineers mula sa iba’t ibang probinsiya ng Bicolandia at nagpakitang-gilas sa sinalihan nilang kompetisyon.
Pinasaya naman ng local bands at disc jockeys ang dalawang gabing pagdiriwang sa tabing-dagat.
Ang ‘CockRock’ ay literal na salin ng ‘manok’ galing sa pangalan ng bayang Bagamanoc (baga = parang, manok) at ng “Boto ni Kurakog” na isang kakatwang islet na isa sa mga kinaaaliwang dayuhin dito.
Ang Boto ni Kurakog (Kurakog’s Penis) na kilala rin sa tawag na Ilihan Point ang unang nagpasikat sa Bagamanoc.
Tinatagurian ito bilang Sexiest Islet of the Philippines dahil sa hugis nito na animo’y ari ng lalaki.
Marami ang kuwento ang bumabalot sa nasabing rock formation ngunit ang isa sa pinakakilalang bersiyon ay ang pagmamahalan ng isang imortal na higante na nagngangalang Kurakog at ng isang dalagang tubong Bagamanoc na nagngangalang si Kalarab. Hindi umano tanggap ng magulang ni Kalarab ang kanilang relasyon hanggang nagpakamatay ito sa pamamagitan ng pagtalon mula sa isang bundok pabagsak sa dagat. Nagalit si Kurakog at lumikha ito ng malakas na bagyo na ikinalubog ng tatlong barangay na malapit sa dagat. Pagkatapos ng unos ay nakita na umano ng mga tao na nakatayo ang nasabing rock formation at tinawag itong Boto ni Kurakog.
Pero hindi lang ang Ilihan Point ang paboritong puntahan dito kundi ang marami pang naggagandahang likas na mga tanawin bukod pa sa preskong simoy ng hangin.
Kaya nakakapagrelaks ang mga turista sa paglilibot sa mga islang sakop ng Bagamanoc.
Mayaman ang Bagamanoc sa magnetite. Karamihan sa makikitang uri ng lupa o buhangin dito ay may magnetite kaya halos kulay abo o itim ang mga ito. Ngunit kung ang hanap ay maputing baybayin, maraming beach sa kahabaan ng mga isla na maaaring maghappy-happy habang nakikinig sa musika, nagbo-bonfire at iba pa. Maaaring mag-stop over sa Late Beach (ng Late Island), Loran Beach na kinaroroonan ng inabandong naval base na ginamit ng U.S. Coast guards noong World War II, Sumagunsong Beach, Loroman Cove at ang Palestina Rolling Hills na bagamat aakyatin mo sa loob ng halos 20 minuto ay sulit naman ang pagod sa maibibigay nitong napakagandang tanawin ng Dagat Pasipiko at mga luntiang isla sa paligid nito.
Sa Pusgo Island, mayroong bahay sa 25 ektaryang lupa na pag-aari ng pamilya ni Catanduanes Board Member Vincent Villaluna, ang Villa Luna. Highly recommended ang overnight na biyahe rito upang malubos ang kasiyahan sa island hopping. Breathtaking ang napakagandang tanawin dito tuwing sumisikat at lumulubog ang araw. Mayroon ding malaking fishpond na makukuhanan ng seafoods tulad ng lobster (350/kilo) crabs (400/kilo) at isda (depende sa klase ang presyo). Ang bangka naman ay maaaring upahan sa halagang P1000 ang balikan.
Ayon sa pamunuan ng Philippine Travel Agencies Association (PTAA), naghahanap na ang mahihilig magbakasyon ng mga alternatibong lugar na maaaring puntahan tuwing bakasyon at isa ang Catanduanes sa may malaking potensiyal upang dayuhin ng mga tao. Inirerekomenda na ng PTAA ang lalawigan sa kanilang mga kliyente nang libutin nila ang ilang sa mga kilalang pasyalan dito nitong nakaraang taon.
[gallery ids="253596,253597,253598,253603,253602,253601,253600,253599,253604,253605,253606,253607,253608"]