Ni FER TABOY
Inihayag kahapon ng Police Regional Office (PRO)-3 na natagpuang patay ang ikatlong person of interest sa pagpatay sa limang miyembro ng isang pamilya sa San Jose del Monte City, Bulacan noong nakaraang buwan.
Ayon sa report ng PRO-3, sa bayan ng San Miguel natagpuan ang bangkay ni Anthony Garcia, alyas “Tony”, ang ikatlong person of interest sa pagpatay sa biyenan, asawa, at tatlong batang anak ni Dexter Carlos nitong Hunyo 27.
May mga palatandaang biktima ng summary execution si Garcia.
Sinabi ni Supt. Isagani Enriquez, hepe ng San Miguel Police, na nakabalot ng masking tape ang mukha at magkabilang kamay ni Garcia nang matagpuan ng mga residente sa lugar.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Garcia.
Matatandaang kapwa marahas din ang naging kamatayan ng dalawa pang suspek sa massacre na sina Ronaldo Pacinos, alyas “Inggo”; at Rosevelt Serema, alyas “Ponga”. Ilang araw lamang ang pagitan ng pagkakadiskubre sa bangkay nina Pacinos at Serema noong nakaraang linggo.
Una nang pinabulaanan ni Senior Supt. Romeo Caramat, director ng Bulacan Police Provincial Office, na may kinalaman ang pulisya sa pagpatay kina Pacinos at Serema.
Nag-iimbestiga na ang mga pulis sa mga salarin sa pamamaslang sa tatlong itinuturing na suspek sa massacre.
Itinuro ang tatlo ng isa pang suspek, si Carmelino Ibañez, na naaresto ilang oras matapos ang krimen.
Sa unang paglantad sa publiko, inamin ni Ibañez ang krimen at itinuro ang kanyang umano’y mga kasabwat, ngunit kamakailan ay binawi niya ang naging pahayag at iginiit na pinahirapan lamang umano siya ng mga pulis upang umamin.