Ni: Mary Ann Santiago
Duguan ang dalawang lalaki nang barilin at saksakin ng kani-kanilang kaanak dahil sa umano’y away-pamilya sa magkahiwalay na insidente sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon.
Kapwa nagpapagaling sa magkaibang ospital sina Rogelio Gorgon, alyas Jon-jon, 40, ng 565 Aeta Street, at Renzo Manalang, 21, ng 534 Perla St.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 1, binaril si Gorgon ng nakatatanda niyang kapatid, si Gilbert Gorgon, 45, sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Aeta St., dakong 10:00 ng gabi.
Pababa umano ng hagdan ang biktima nang bigla na lang itong barilin, gamit ang isang caliber .38 revolver, ng suspek.
Agad isinugod sa ospital si Rogelio ng kanyang pamangkin, si Arvin, habang tumakas naman si Gilbert.
Samantala, sinaksak naman si Manalang ng kanyang tiyuhing si Roderick Manalang, 45, dakong 10:15 ng gabi.
Naglalaro umano sa computer shop ang biktima, kasama ang ilang kapitbahay, nang lapitan ng suspek at dalawang beses sinaksak bago tumakas.
Tinutugis na ng awtoridad ang mga suspek.