Ni: Mary Ann Santiago
Dalawang lalaki, na kapwa kabilang sa drug watch list sa kani-kanilang barangay, ang magkasunod na ibinulagta sa hiwalay na insidente sa Pasig City, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), unang pinatay ng tatlong hindi pa nakikilalang armado si Randy Hayuhan, 27, ng M.H. del Pilar Street, Barangay Palatiw.
Sa salaysay sa pulisya ni “Jean,” saksi, susunduin niya ang kanyang mga anak nang makita niya ang pamamaril ng tatlong lalaki kay Hayuhan sa Baltazar St., Bgy. Palatiw, bandang 6:05 ng gabi kamakalawa.
Nang makitang bumulagta ang target, agad umanong tumakas ang mga suspek.
Samantala, binaril naman habang natutulog si Ian Ilagan, 36, ng Gahit St., Bgy. Pinagbuhatan, dakong 2:10 madaling araw.
Base sa ulat, natutulog na ang biktima, kasama ang kanyang live-in partner, nang pasukin ng dalawang armado.
Sa pagtapak ng mga suspek sa bahay ng biktima, agad nilang pinaputukan si Ilagan at tumakas lulan sa isang hindi naplakahang motorsiklo.
Inaalam na ang pagkakakilanlan ng mga suspek.