Ni: Mary Ann Santiago

Patay ang isang lalaki nang hatawin ng tubo at barilin ng mga kalaban niyang gang member sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Tinangka pang isalba ng mga doktor ng Gat Andres Bonifacio Medical Center si Jessie Mendoza, 19, ng Block 1, Dubai, Baseco Compound sa Port Area, ngunit nalagutan ng hininga matapos barilin ng sumpak sa batok at mukha, at hatawin ng tubo sa batok.

Samantala, tinutugis na ng awtoridad ang itinuturong mga suspek sa sina Michael Castro, 26, ng Block 9, sa Baseco Compound; alyas Mark, 16, at Ricky, 17, kapwa ng Baseco Compound at miyembro ng Trouble Syndicate Boys (TSB).

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Sa ulat ni PO3 Rodel Benitez, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang insidente sa Amadome basketball court sa Baseco Compound, dakong 1:22 ng madaling araw.

Una rito, naglalaro ng basketball ang biktima, kasama ang kanyang mga kaibigan, sa nasabing lugar nang sumulpot ang mga suspek na pawang armado ng sumpak at tubo at sinasabing matagal nang kaaway ng grupo ng biktima.

Nagpulasan umano ang mga kaibigan ni Mendoza at siya ay nanatili sa paniwalang hindi siya sasaktan ng mga suspek dahil nagkaayos na sila ng mga ito.

Gayunman, bigla na lang umano pinaligiran ng mga suspek ang biktima at hinataw ng tubo sa batok sabay baril.

Nang makitang bumulagta na ang biktima, saka lamang umalis ang mga suspek.