Ni: Leo P. Diaz
ISULAN, Sultan Kudarat - Nalalagay ngayon sa balag na alanganin ang ilang tauhan ng Tacurong City Environment and Natural Resources Office (CENRO) makaraang ihayag ng hepe nitong si Abunawas Abduladsis, al haj, na muling nagbawas ng 40 porsiyento sa budget para sa National Greening Program (NGP).
Nabatid na umabot sa 35 manggagawa ng CENRO ang nakatanggap ng kakarampot na sahod.
“Wala tayong magagawa kundi sumunod at nito ngang nagdaang mga buwan ay pumayag na ang mga ito (manggagawa) na ibaba ang tinatanggap [nila], ngunit ngayon ay hindi na kakayanin pa ng opisina kung magpapatuloy pa sila,” ani Abduladsis.
Aniya, lampas 13,000 ektarya o nasa 70-74% ang natugunan ng NGP.
Sinabi ni Abduladsis na magkakaroon ng pulong ang CENRO, kasama ang hepe ng NGP na si Ato Tolentino, at ang mga tatanggaling manggagawa upang talakayin ang sitwasyon, lalo at napasó na ang kontrata ng mga ito nitong Hunyo.
Aniya, hindi muna magkakaroon ng “extension of contract” dahil nga sa nagbabawas na rin ng budget ang CENRO.