Ni: Charina Clarisse L. Echaluce
Nagdudulot nga ba ng seizure ang labis na paggamit ng mga gadget? Ito ang tanong ng maraming social media users matapos maging viral sa Facebook ang post ng isang ina nang ang kanyang anim na taong gulang na anak na babae ay nagkaroon ng seizures dahil sa labis na paggamit ng gadgets.
Kuwento ni Maricon Molvizar Collamar, 34, noong Hunyo 27, 2017 natagpuan niya ang kanyang anak na si Mikayla na nangingisay sa sahig at hindi na maigalaw ang kaliwang kamay nito. Kinabukasan ay dinala niya sa ospital ang anak ngunit hindi matukoy ng mga doktor kung ano ang nagbunsod ng seizure nito.
“Our neuropedia advised us na maximum of two hours a day lang talaga dapat ang paggamit ng gadgets ng mga bata at iwas puyat para maiwasan ang ganitong sakit,” dagdag ni Maricon.
Sinabi naman ng Department of Health (DOH), na kailangan pa ng karagdagang test para matukoy ang eksaktong dahilan ng seizures.
“I don’t think the gadget caused the seizure! There might be organic changes in the child’s brain! We need to run tests to find out exact cause of seizures,” mensahe ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial.
Nilinaw din ni Health Spokesperson Eric Tayag na hindi nagbubunsod ng seizure ang panonood ng telebisyon at paggamit ng gadget. “Ang gadgets mismo ay hindi makaka-trigger ng seizure. Ang maaring nangyari po diyan sa pagkakaalam po namin sa seizure disorder, ang stress ay maaaring makaresulta sa seizure disorder, at ‘yung stress maaaring may pinanggagalingan,” aniya.