Ni: Rey G. Panaligan
Umapela si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa pamunuan ng Kamara na palayain, for humanitarian reasons, ang anim na kawani ng probinsiya na nakakulong simula pa noong Mayo 29 dahil sa contempt citation.
Sa pahayag ng abogado niyang si dating solicitor general, Estelito P. Mendoza, sinabi ni Marcos na ang mahigit anim na buwan nang pagkakakulong ng anim na empleyado “has brought immeasurable emotional and psychological anguish to them and their families.”
“I appeal, for humanitarian reasons, to the House leadership to set free the Ilocos Six. They have suffered more than enough. Please allow them to go home. You have families too, and you know the pain of being separated from them,” sabi ni Marcos.
Sinabi rin niya na ang anim na empleyado, na tinatagurian ngayon bilang “Ilocos Six”, ay tumestigo na ‘to the best of their knowledge, and forcing them, through prolonged detention, to give false testimony just to satisfy the Committee is tantamount to compelling them to commit perjury.”
“Please, set them free,” pagmamakaawa niya.
Ang anim na empleyado—sina Josephine Calajate, Encarnacion Gaor, Genedine Jambaro, Evangeline Tabulog, Pedro Agcaoili Jr., at Eden Battulayan—ay pinatawan ng contempt ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa imbestigasyon nito sa pagbili ng pamahalaang panglalawigan ng mga sasakyang nagkakahalaga ng P66.45 milyon na pinondohan ng tobacco excise taxes.
Agad silang nagpasa ng petition for a writ of habeas corpus sa Court of Appeals (CA) na pumabor at kalaunan ay nag-utos na kalayaan ang anim matapos magpiyansa ng P30,000 bawat isa.
Pero hindi tumalima sa order ng CA ang pamunuan ng Kamara. Inatasan sina CA Associate Justices Stephen Cruz, Edwin Sorongon and Nina Antonio-Valenzuela na magpaliwanag kung bakit hindi rin sila dapat mapatawan ng contempt sa order nilang palayain ang mga empleyado.
Nagbanta pa si House Speaker Pantaleon Alvarez ng disbarment ng tatlong CA justice at ng abolition ng appellate court.
Una nang nagpahayag si Marcos na makikipagtulungan siya sa imbestigasyon na isinasagawa ng House committee.