Ni: Ellalyn de Vera-Ruiz
Hindi lamang nawawalan ng milyun-milyong kita ang mga Pilipino dahil sa matinding trapik araw-araw, may masama rin itong epekto sa kalusugan ng publiko.
Batay sa pag-aaral ng non-government organization na Kaibigan ng Kaunlaran at Kalikasan (KKK), ang masikip na trapiko sa Metro Manila ay nagdudulot ng sakit sa baga at puso sa mga commuter, gaya ng asthma, chronic obstructive pulmonary disease, heart disease at stroke dahil sa paglanghap at paglunok ng pollutants.
Natapos na kamakailan ang dalawang taong pag-aaral na isinagawa ng KKK sa tulong ng non-profit group na Clean Air Asia, scientific research institute na Manila Observatory, at independent professionals. Sinasakop nito ang 16 na lungsod at isang munisipalidad.
Ang halos 76 na porsiyento ng air pollutants ay nagmumula sa usok ng sasakyan, samantalang ang ibang “area” sources, kabilang ang pagsusunog ng mga basura, street-side cooking, at construction work, ang bumubo sa 20% ng air pollution, at 4% lamang ang nagmumula sa mga pabrika.
Ang proyekto na pinamagatang “Modeling Particulate Matter Disperson in Metro Manila, ay gumamit ng internationally recognized mathematical technique para matukoy ang pathways ng polusyon mula sa iba’t ibang pinanggagalingan.
Ang mga factor na nakaaapekto sa kalidad ng hangin na ginamit na input sa mathematical modeling: air quality monitoring data, topography, actual traffic count, type of vehicles at fuels, at meteorology gaya ng bilis at direksiyon ng hangin na nagkakaiba-iba bawat buwan.
Dahil sa variability ng naturang factors, hindi lahat ng tao sa Metro Manila ay nakararanas ng maruming hangin sa magkakaparehong panahon o paraan, banggit ng pag-aaral.
Idiniin ng KKK na ang traffic congestion ay “critical health issue” na ngayon.
Nakatuon ang kanilang pag-aaral sa particulate matter na madaling makapasok sa baga ng tao at nagdudulot ng pag-ubo, pagbahing at asthma o hika sa mga bata.
Ang maliliit na particulates na ito ay kinilala rin sa buong mundo na nagdudulot ng ischemic heart disease, cardiopulmonary diseases, respiratory dysfunctions, at lung cancer.
Ayon sa World Health Organization, ang tinatayang tatlong milyong pagkamatay bawat taon ay may kaugnayan sa outdoor pollution, at ang karamihan ay nagaganap sa Southeast Asia at Western Pacific.
Dito sa Pilipinas, sinabi ng Department of Health na ang nangungunang sanhi ng pagkamatay ay sakit sa puso at sakit sa baga, kabilang ang lung cancer na pinalulubha– kung hindi man direktang idinulot – ng polusyon sa hangin.
Isinuhestiyon ng KKK na tiyakin ng gobyerno ang mas mahigpit na pagsunod sa umiiral na emission standards, at ikonsidera ng mga motorista ang paggamit ng malinis na panggatong.