Nina NIÑO LUCES, JINKY TABOR, RUEL SALDICO at FER TABOY
VIRAC, Catanduanes – Labing-anim na katao ang kinasuhan ng Police Regional Office (PRO)-5 nitong Miyerkules sa Catanduanes Provincial Prosecution Office ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa pagkakasangkot umano sa sinasabing shabu lab sa Barangay Palta Small sa Virac.
Sa anim na pahinang reklamo na inihain ng abogadong si Supt. Edwin Engay, chief ng PRO-5 Legal Services, kabilang sa mga kinasuhan si dating National Bureau of Investigation (NBI) senior agent Atty. Augusto Eric Isidoro, asawa nitong si Angelica B. Isidoro; dating Caramoan, Camarines Sur Mayor Constantino Cordial, Jr.; Atty. Ulpiano Sarmiento III, napaulat na dating dean ng San Beda College.
Kabilang din sa kinasuhan ang mga anak ni Catanduanes Gov. Araceli Wong na sina Jardin Brian Wong, talunang gubernatorial bet sa Catanduanes; at Joseph Al Randie Wong, incumbent board member.
Kinasuhan din sina Raymond Lee; Snooky Imperial, o Mr. Lee; Allan Ang Hung, o Xian Xian Wang; Pido Bonito, o Noel Sampag; Paulo Uy, o Jayson Gonzales Uy, o Paulo Wee Palisoc; Lorenzo Flores Piñera II, alyas “Kidot”; Phung Yuan Estorco, o Shen Wang; Lorenzo Flores Piñera IV, alyas “Bigik”; Roel Samonte, o Dennis Samonte; at isang John Doe.
TESTIGO LUMANTAD
Sa press conference sa Catanduanes Police Provincial Office (PPO) nitong Miyerkules, iprisinta ni PRO-5 Director Senior Supt. Melvin Ramon Buenafe ang isang testigo na nakasuot ng itim na jacket at face mask ngunit tumangging pangalanan.
Sa sinumpaang pahayag, sinabi ng testigo na may direkta siyang ugnayan sa mga akusado at alam din umano ang operasyon ng sinasabing shabu lab na nadiskubre ng mga pulis noong Nobyembre 2016 sa Bgy. Palta Small sa Virac. Tinawag niya ang sarili bilang “tao ni Isidoro”.
Aniya, siya mismo ang nagdala sa mga Chinese sa lalawigan upang magtrabaho sa shabu laboratory taong 2015.
Sinabi pa ng testigo na inutusan umano siya ni Isidoro na patayin ang negosyanteng si Larry Que, publisher din ng isang lokal na pahayagan sa lalawigan, ngunit tinanggihan niya ito at simula noon ay nagtago na, hanggang malaman niyang pinatay na si Que.
Sinabi rin ng testigo na isa siya sa nagde-deliver ng shabu mula sa Catanduanes patungong Metro Manila at sa mga kalapit na lalawigan.
Ibinunyag din ng testigo na milyun-milyong pisong kita sa shabu lab ang ibinigay sa dalawang kumandidatong gobernador noong 2016 elections.
PANINIRA
Samantala, sa eksklusibong panayam sa negosyanteng si Jardin Wong, sinabi niyang malinaw na nais siyang siraan dahil kakandidato siya sa 2019, pero nilinaw na hindi pa niya natatanggap ang kopya ng kaso.