CAIRO (AFP) – Nangako nitong Miyerkules ang mga Arab state na pinutol ang ugnayan sa Qatar dahil sa diumano’y pagsusuporta sa terorismo na pananatilihin ang kanilang boycott sa emirate, dahil sa negatibong tugon nito sa kanilang mga inilistang kondisyon para mawakasan ang diplomatic crisis.
Nagpahayag ang mga foreign minister ng Egypt, Saudi Arabia, Bahrain at United Arab Emirates sa pagpupulong sa Cairo, na ikinalulungkot nila ang “negative response from Qatar.”
Sinabi ni Egyptian Foreign Minister Sameh Shoukry na ang sagot ng Qatar sa mga kahilingan ng grupo ay walang “substance” at sumasalamin sa “lack of understanding of the gravity of the situation”.
“The boycott will remain,” sinabi ni Saudi Foreign Minister Adel al-Jubeir sa parehong news conference sa kabisera ng Egypt, idinagdag na gagawa sila ng mga hakbang sa tamang panahon.