Kinumpirma ng Palasyo ang nakatakdang pagdalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa isang commemorative summit na isasagawa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Russia sa darating na Hunyo 17 at 18.
Batay sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), na ibinahagi naman ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Huwebes, Hunyo 11, nilinaw niyang kaugnay ito sa ugnayan ng nabanggit na rehiyon at bansa.
“Magtutungo ang Pangulo sa Russia mula Hunyo 17 hanggang 18 upang dumalo sa ASEAN-Russia Commemorative Summit,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “Ito ay isang pagtitipon na ginaganap bilang paggunita sa ika-35 anibersaryo ng ugnayan ng ASEAN at Russia.”
Dahil Pilipinas ang kasalukuyang ASEAN chair, inaasahang pangungunahan ng bansa ang kooperasyon sa pagitan ng Russia at ASEAN.
“Ang Russia ay isang ASEAN dialogue partner at bilang ASEAN Chair, ang Pilipinas, pangungunahan natin ang pagsusuri sa naging takbo ng ating kooperasyon at relasyon sa Russia,” aniya.
“Kasama na rin dito ang pagtatalakay sa mga susunod na hakbang upang higit pang mapalalim at mapalawak ang ugnayan ng Pilipinas at Russia at ng ASEAN,” giit pa niya.
Samantala, inilahad din ni Usec. Castro na ang ilan pang detalye kaugnay sa pagpunta ni PBBM sa Russia ay ibabahagi ng DFA sa kanilang press briefing sa darating na Lunes, Hunyo 15.