July 26, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro, bumuweltang gayahin ni VP Sara si Sen. Alan sa pagpapabalik kay Sen. Bato!

Usec. Castro, bumuweltang gayahin ni VP Sara si Sen. Alan sa pagpapabalik kay Sen. Bato!
Photo courtesy: RTVM, File Photo

Sinagot ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang apela ni Vice President Sara Duterte na isama sa mga usapan ng Senado sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. 

Matatandaang humirit si VP Sara noong Miyerkules, Hunyo 10, 2026, na dapat daw isama sa mga pag-uusap ng Senado maging ang mga senador na nakulong o nagtatago para talakayin ang mahahalagang usapin sa bansa.

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, umapelang isama sa pag-uusap ng Senado sina Sen. Bato at Sen. Jinggoy!

Sa naging pahayag naman ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Huwebes, Hunyo 11, binuwelta niyang hindi raw madaling makadadalo ng sesyon sa Senado si Estrada dahil hawak na raw ito ng Korte. 

“Kung sasabihin niya kung realistic, unang una, hindi po agad makakapunta o makakadalo o makakaboto ang isang nakadetine dahil ang may sakop po dito ay ang Korte, hindi po ang Senado,” pagsisimula niya. 

National

Sen Alan, tinalakang 'ang ingay, dakdak nang dakdak' sa FB live niya

Pagpapatuloy ni Castro, bukas naman daw Senado kung hihikayatin ni VP Sara si Dela Rosa na bumalik at magpakita sa publiko.  

“Pangalawa, kung ‘yon po ang nais niya na makabalik sa Senado si Sen. Bato, welcome po ‘yon,” diin niya. 

Aniya pa, mas maganda raw na gayahin ng Bise Presidente ang ginawang panghihikayat ni Sen. Alan Peter Cayetano noon kay Dela Rosa para pumasok ang huli sa sesyon ng Senado at maganap ang kudeta noong Mayo 11. 

“Mas maganda kung kaniyang i-encourage, pipilitin—kagaya ng ginawa ni Sen. Cayetano—na makabalik si Sen. Bato dela Rosa para siya ay umattend ng mga sesyon,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang tila nagsimulang gumulo sa Senado nang habulin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) si Dela Rosa dahil sa inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya. 

Noon ding Mayo 11, matagumpay na napalitan ni Cayetano si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III nang makakuha siya ng 13 boto pinagpartisipahan ni Dela Rosa. 

Habang sinusulat naman ito, wala pang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si VP Sara kaugnay sa nasaad ni Castro. 

KAUGNAY NA BALITA: 'We do not forgive!' Nullsec Philippines, nagbabala sa mga korap sa Senado