July 21, 2026

Home BALITA National

'PBBM patuloy sa trabaho, VP Sara patuloy sa paninira!'—Usec. Castro

'PBBM patuloy sa trabaho, VP Sara patuloy sa paninira!'—Usec. Castro
Photo courtesy: RTVM, File Photo

Tumirada si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro kay Vice President Sara Duterte dahil puro daw paninira ang huli sa administrasyon. 

Nag-ugat ito sa naging pahayag ni VP Sara noong Miyerkules, Hunyo 10, 2026, kung saan sinabi niya na sumasalamin daw sa pamamahala ng administrasyon ang lahat ng mga kaguluhang nangyari sa Senado. 

“‘Yong kaguluhan sa Senado ay nagsasalamin ng leadership ng administrasyon. ‘Yong kaguluhan at kawalang direksyon ng ating bansa ay nagsasalamin kung ano ‘yong klaseng leadership meron ang nakaupo sa Palasyo at ng ating administrasyon,” ‘ika ni VP Sara. 

Sa naging pahayag naman ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Huwebes, Hunyo 11, nananatili pa rin daw na ginagampanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang kaniyang tungkulin para ayusin ang bansa at tumulong sa mga nangagailangang Pilipino. 

“Ang paulit-ulit na kasinungalingan ay naglalagay sa ating sa isang kumunoy,” pagsisimula niya. 

National

'Hanggang kailan tayo magtitiis?' Sen. Padilla, tumirada sa pananakit ng CCG sa PH Navy!

Dagdag pa niya, “Habang ang Pangulo ay patuloy na nagtatrabaho para ayusin, mabigyan ng mga tulong, para mapaganda ang buhay ng bawat Pilipino—lalong lalo na at merong kinakaharap tayong global oil crisis, pati na rin po ang nangyaring lindol sa Mindanao, patuloy na nagtatrabaho.” 

Ani Castro, sa kabila raw nito ay patuloy pa rin sa paninira si VP Sara at pilit na binabago ang naratibo tungkol sa administrasyon. 

“Samantalang ang Bise Presidente ay patuloy sa paninira at binabago ang naratibo,” aniya. 

Diin ni Castro, hindi naman daw ipinag-utos ni PBBM ang naganap na putukan sa Senado noong gabi ng Mayo 13 at may pagsang-ayon daw rito si Sen. Alan Peter Cayetano. 

Aniya pa, si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na rin daw ang umamin na dumalo siya sesyon ng Senado noong Mayo 11, 2026, para makiisa sa kudeta at mapalita ni Cayetano si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at para na rin daw sa impeachment trial ng Senado laban kay VP Sara. 

“Ang lahat ng ito, lahat sila, sila ‘yong nagsasabing dapat na ibasura ang impeachment. Ito ay lahat para sa proteksyon ng Bise Presidente,” saad niya.  

Buwelta ni Castro, hindi rin daw nanggaling sa Pangulo ang pagtulong ni Sen. Robin Padilla kay Dela Rosa para makaalis sa Senado noong madaling-araw ng Mayo 14, 2026, at makatakas sa pagtugis ng mga awtoridad. 

“Ang dalawang sinabi natin na senador ay kaalyado ng Bise Presidente,” buwelta niya. 

Paglilinaw niya, hindi raw totoo na tungkol daw sa kahinaan ng liderato ni PBBM ang mga nangyaring gulo sa Senado kundi dahil daw sa patuloy na pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga kaalyado ni VP Sara. 

“Huwag sanang mamihasa sa pagdudungis ng iba para magmukhang biktima sa ating mga mata,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si VP Sara kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Batikang journalist Raissa Robles, binira MIA ng Duterte siblings sa lindol!