Tumirada ang batikang journalist at awtor ng “Marcos Martial Law: Never Again” na si Raissa Robles sa tila missing in action (MIA) umano ng magkakapatid na sina Vice President Sara Duterte, Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte, at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa naganap na lindol sa Mindanao noong Lunes, Hunyo 8, 2026.
Matatandaang ginulantang ng may lakas na magnitude 7.8 na lindol ang maraming lokal na residente at estudyante partikular sa Maasim, Sarangani, Soccsksargen, noong Lunes.
Ayon sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tumama ang mapaminsalang lindol sa naturang lugar bandang 7:37 ng umaga noon at naramdaman ito maging sa iba pang mga karatig-lugar o bayan.
KAUGNAY NA BALITA: PHIVOLCS, itinaas sa magnitude 7.8 ang nangyaring lindol sa Sarangani
Sa naging pahayag ni Robles sa kaniyang Facebook page nitong Martes, Hunyo 9, kinuwestiyon niya kung literal daw bang hindi mahagilap ang magkakapatid na Duterte para tumulong sa mga naapektuhan ng mapaminsalang lindol sa kanilang lugar.
“Are all the Duterte siblings missing in action (MIA), following the most massive earthquake in the Philippines in this century?” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “And this earthquake happened to have hit not only their home city of Davao but also their bailiwick, Mindanao.”
Ani Robles, tila raw wala siyang makitang inilalabas na mensahe o video messages, at post mula sa mga social media platform nina VP Sara, Cong. Pulong, at Mayor Baste kaugnay sa tumamang lindol sa Mindanao.
Patutsada niya, ang pinakahuling video raw ni Cong. Pulong na kaniyang nakita ay nasa The Hague, Netherlands, ito at inahahayag ang kalagayan ng nakadetina niyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay nito, sa inilabas naman na video ng Duterte supporter na si Alvin Sarzate sa panayam niya kay Cong. Pulong noon ding Lunes, sinabi nagawa namang magbigay ng mensahe ng mambabatas para sa mga nasalanta ng lindol.
Ani pa ni Robles, makikita naman daw sa Facebook page ng Office of the Vice President (OVP) ang larawan ng mga truck na nagbibigay ng tulong sa mga biktima ng lindol ngunit wala naman daw roon si VP Sara.
“I mean, how politically tone-deaf is that!” patutsada niya.
Pagpapatuloy ni Robles, ang naganap na lindol sa Mindanao na raw sana ang pagkakataon ni VP Sara para ipakita ang kaniyang pakikisimpatya sa taumbayan kagaya ng palagi raw niyang pino-post sa kaniyang social media platforms, ngunit wala raw lumabas kahit isang mga larawan o video ng Bise Presidente na namimigay ng relief goods sa mga nasalanta ng lindol.
“The quake would totally justify that and more, but there is no photo or video of Sara handing out relief goods to quake victims,” diin pa niya.
“The marked absence of the Duterte children at this time could have the same tectonic effect politically on the presidential ambition of Vice-President Sara Duterte,” ‘ika pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon sina VP Sara, Cong. Pulong, at Mayor Baste kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: GenSan, nasa ilalim na ng state of calamity