Ni: Chito A. Chavez
Dahil sa pagiging banta sa seguridad, sinuspinde ang police powers ng pitong gobernador at 132 alkalde sa Mindanao.
Ayon sa National Police Commission (Napolcom), sinamantala ng mga lokal na opisyal sa rehiyon ang kanilang kapangyarihan matapos nilang lumihis sa peace and order campaign ng pamahalaan, nagkaloob ng mga gamit, maraming beses lumiban sa trabaho, o nagmalabis sa kapangyarihan.
Dahil dito, wala nang kontrol ang ilang gobernador at alkalde sa police units sa kani-kanilang lugar.
Sa Napolcom resolutions 2017-334 at 2017-335, kabilang sa umabuso umano sa kapangyarihan sina Gov. Esmael Mangudadatu at 28 alkalde sa Maguindanao; Gov. Mamintal Adiong, Jr. at 37 alkalde sa Lanao del Sur; Gov. Imelda Quibranza-Dimaporo at 22 alkalde sa Lanao del Norte; Gov. Datu Pax Pakung Mangudadatu at 12 alkalde sa Sultan Kudarat; Gov. Abdusakar Tan II at 13 alkalde sa Sulu; Gov. Hadjiman Salliman at 10 alkalde sa Basilan; Gov. Nurbert Sahali at siyam na alkalde sa Tawi-Tawi; at Cotabato City Mayor Frances Cynthia Guiani-Sayadi.