Ni: Celo Lagmay

MATAGAL nang pinauugong sa mga barangay, lalo na sa mga media forum, ang paglikha ng isang tanggapan na maglalayong pag-isahin ang mga organisasyon ng mga nakatatandang mamamayan. Ibig sabihin, mawawalan na ng puwang ang pagkanya-kanya ng iba’t ibang grupo ng mga senior citizen sa buong bansa.

Natitiyak ko na lingid sa kaalaman ng marami ang kabi-kabilang grupo ng nakatatandang mga mamamayan sa ating lipunan.

Kabilang dito, halimbawa, ang Senior Citizens Council ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), Federation of Senior Citizens of the Philippines (FSCOP), Confederation of Older Persons Association of the Philippines (COPAP), Coalition of Services of the Elderly, Inc. (COSE) at ang Pederasyon ng Maralitang Nakatatanda (PAMANA). Bukod pa rito marahil ang maliliit na sektor ng senior citizens na, tulad ng mga nabanggit, ay marapat ding magtamasa ng mga biyayang sadyang nakaukol sa kanila.

Bagamat matagal na sanang dapat isinagawa, hinog na ang panahon upang magkaisa ang nabanggit na mga organisasyon. Dahilan ito upang ang kani-kanilang mga kinatawan ay sumugod sa Senado upang suportahan ang panukalang lilikha ng National Commission for Senior Citizens (NCSC). Nagkataon na ang naturang lehislasyon – Senate Bill No. 674 – ay isinulong ni Senador Paolo ‘Bam’ Aquino IV.

Mainam ang adhikain ng naturang panukalang-batas. Sususugan nito ang Section II ng RA 7432 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 na bumubuwag sa National Coordinating and Monitoring Board; ipapalit nga rito ang NCSC. Dapat lamang nating asahan na ang lahat ng kaluwagan, at maaaring madagdagan pa, ay ipagkakaloob sa atin ng lilikhaing tanggapan.

May lohika at makabuluhan ang paglikha ng NCSC. Kung ang mga kabataan ay binubuklod ng National Youth Commission (NYC), makatuwiran lamang na ang mga nakatatandang mamamayan ay pag-isahin din ng NCSC. Pare-pareho silang may makatuturang kontribusyon sa kaunlaran ng ating bansa. Katunayan, ang mga senior citizens – sa kabila ng kanilang... katandaan at taglay na mga karamdaman – ay nakatutulong pa sa pagbalangkas ng makabuluhang mga patakaran para sa katahimikan at kaayusan ng mga komunidad.

Natitiyak ko na walang magiging balakid sa pagpapatibay ng nabanggit na bill. Marami na ring mga senior citizen sa Senado; at hindi maglalaon na ang iba sa kanila ay tiyak na magiging kahanay na rin natin.

Wala rin akong nakikitang pag-aatubili kay Pangulong Duterte upang lagdaan at maging batas ang naturang panukala: Makakapiling na natin siya sa NCSC. Dapat lamang nating asahan ang pagtiyak ng Pangulo sa pagkakaloob ng mga karapatan at pribilehiyo na nakaukol sa mga senior citizen.