Ni: Freddie C. Velez

SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan – Isa pang itinuturing na suspek sa pagpatay sa limang miyembro ng isang pamilya sa San Jose Del Monde, Bulacan noong nakaraang linggo, ang binaril at napatay isang mga armadong lalaking nakasuot ng bonnet, sa loob ng kanyang bahay sa North Ridge Royale Subdivision sa Barangay Sto. Cristo, bandang 11:00 ng umaga kahapon.

Sa ulat ni Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose Del Monte Police, kay Bulacan Police Provincial Office acting director Senior Supt. Romeo Caramat, Jr., kinilala ang biktimang si Rosevelt Merano Sorema, alyas “Ponga”.

Ayon sa paunang imbestigasyon, pinasok ng dalawang hindi nakilalang armado na nakasuot ng helmet at bonnet ang bahay ni Sorema at ilang beses itong pinagbabaril.

Probinsya

9-anyos na bata, patay matapos makuryente ng tinatayang 20 minuto

Isa si Sorema sa person of interest na iniimbestigahan kaugnay ng pagpatay sa isang ginang, sa ina nito at sa tatlo nitong anak na paslit nitong Hunyo 27.

Martes ng umaga naman, ilang oras bago bumisita sina Pangulong Duterte at Philippine National Chief (PNP) Chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa burol ng mga biktima, ay natagpuan ang bangkay ni Rolando Pacinos, alyas “Inggo”, na kabilang din sa mga suspek sa massacre.

Natagpuan ang bangkay ni Pacinos sa ilalim ng isang puno bandang 6:30 ng umaga, at malapit dito ay may isang karton na nasusulatan ng: “Addict at rapist ako huwag tularan”. Napaulat na pinutulan umano ng ari at ng apat na daliri ang bangkay.

Matatandaang naaresto at umamin sa krimen si Carmelino Ibañez, at itinuro si Pacinos bilang isa sa kanyang mga kasabwat sa krimen, kasama ang isang alyas “Tony”.

Samantala, inilibing na kahapon ang mga biktima ng massacre, at umaabot sa mahigit 2,000 ang dumalo habang nakasuot ng puting headband.

Bandang 11:00 ng umaga nang idaos ang misa para sa mga biktima sa St. Joseph Church bago inilibing ang mga ito sa Citrus Cemetery.

“Hindi ko pa alam kung kailan ko malalampasan ang pangungulila sa pamilya ko. Ang hiling ko lang sa mahal na Pangulo ay kung sakaling maibalik ang death penalty ay unang sampolan ang mga gumawa nito sa aking pamilya,” sabi ni Dexter Carlos, ang security guard na padre de pamilya ng mga napaslang.