Ni REGGEE BONOAN
MAY taga-GMA-7 kaming nakatsikahan na umaming kabado sila sa mga programang katapat ng Mulawin vs Ravena at My Love From The Star (MLFTS) ng ABS-CBN.
Inamin niya na nahihirapang manalo ang mga programa nila sa FPJ’s Ang Probinsyano at La Luna Sangre maging sa AGB Nielsen.
“Nu’ng katapat ng MLFTS ang Dear Heart, nakakalusot pa kami minsan, pero ngayon, totally, wala, ni minsan hindi nanalo sa La Luna Sangre,” sabi sa amin.
Inamin din ng kausap namin na hanga sila sa LLS na ang ganda raw ng pagkakagawa at malinis pati istorya.
“Galing talaga ng ABS sa ganyan,” sambit sa amin.
Samantala, nabanggit naman ng isa pang kausap namin na kapos daw kasi sa sikat na artista ang GMA-7 na malaking factor din sa mga nanonood. Mas marami nga namang sikat na artista sa ABS-CBN.
“Tulad nitong My Love From The Star, si Jennylyn (Mercado) lang naman ang sikat, lahat baguhan, siyempre hindi naman kakayanin ni Jen ‘yun. Magaling siyang artista, pinupuri ang acting niya, pero hindi niya kayang mag-isa kung puro baguhan. Anim na artista nga lang yata sila sa show. Ewan ko kung bakit parang tipid ‘yung show,” pagtatapat sa amin.
Sabi namin, kaya siguro hindi tumodo nang husto ang GMA-7 sa MLFTS ay dahil 11 weeks lang namang eere at kung ma-extend man ay baka 12 weeks lang.
“Mas matagal pa ‘yung preparation (umabot ng isang taon),” sabi ng kausap namin na magpabanggit ng pangalan.
Ang aabangan ay kung ano ang ipapalit pagkatapos ng My Love From The Star na tiyak na paghahandaan ng Kapuso Network dahil hindi naman siguro sila papayag na mananatili na lang na talo ng La Luna Sangre.
Tinanong namin kung anong nangyari sa mga taong-ibon nila.
“Ewan ko sa ‘yo, sinulat mo, di ba, isang bala lang sila ni Cardo? Mukhang nagkatotoo, ha-ha-ha.”
Ang napag-usapan naming ratings ay nitong huling linggo ng Hunyo na talagang hindi rin nakalusot ang mga programa ng GMA sa ABS-CBN.
“Check mo rin ‘yung mga mas nauna pa, parang hindi rin yata nanalo,” natawang sabi pa sa amin.