Ni NORA CALDERON
NAGBALIK-TANAW si Sanya Lopez sa presscon ng Haplos, ang bago niyang afternoon prime drama series pagkatapos ng Encantadia kasama ang ka-love team na si Rocco Nacino.
“Hindi po namin in-expect na pagkatapos ng one year sa telefantasya, binigyan kami agad ng follow-up project ng GMA,” sabi ni Sanya. “Siyempre po masayang-masaya ako dahil may gagawin ako muli, okey lang kung hindi na muna magpahinga o magbakasyon.”
Hindi makalimutan ni Sanya na nakita siya ni German Moreno (SLN) noong lagi siyang sumasama sa kanyang Kuya Jak Roberto kapag naggi-guest sa Walang Tulugan. Tinanong daw siya noon ni Kuya Germs kung gusto rin niyang mag-artista.
“Sabi ko sa sarili ko, naroon na ako, bakit hindi ko pa ituloy ang dream kong maging artista. Kaya nasama na ako sa mga bit roles sa ilang soap ng GMA, naging extra ako, at doon ko naranasan na dahil extra lang ako, hindi ako pinapayagang pumasok sa tent na gamit ng mga artista sa mga location tapings. Pero doon po ako natuto na maging patient kung gusto kong matupad ang aking dream.
“Isa pong malaking chance sa akin nang mapasama ako sa longest running afternoon prime drama na The Half Sisters na best friend ko sa story si Barbie Forteza at tumagal ito ng more than 18 months. Doon ko rin unang nakasama si Thea Tolentino na kasama ko muli dito. At biggest break po sa akin nang mag-audition ako at nakapasa sa Encantadia na isa sa mga gumanap na Sang’gre with Kylie Padilla, Gabbi Garcia at Glaiza de Castro.
“At ngayon, isang naiibang role din ang ibinigay sa akin ng GMA sa Haplos, bilang si Angela na may gift of healing, na sa paghaplos ko sa mga maysakit, mapapagaling ko sila, gagamitin ko ito sa kabutihan. Pinag-aralan ko po ang role na ito na dapat kong matutunan kung paano ako manggagamot at makatulong sa aking kapwa.”
Kasama nina Sanya at Rocco sa Haplos sina Pancho Magno, Patricia Javier, Emilio Garcia, Francine Prieto, Diva Montelaba at Ms. Celia Rodriguez, mula sa direksiyon ni Gil Tejada, Jr. Mapapanood na ito simula sa Lunes, July 10, pagkatapos ng Impostora.